Paglabas ng pitak na ito, isang
tulog na lamang at malalaman na kung sino ang magiging ika-44 na
pangulo ng makapangyarihang Estados Unidos.
Maraming mga Pilipino, kasama na
ako, ang matamang nagmasid sa kampanyang nagdaan, bagama’t
hindi naman tayo Amerikano o bumuboto roon.
Siguro’y dahil nga sa ang kandidato ng Democrats ay si Barack
Obama, na kauna-unahang kandidato sa pagka-pangulo na itim ang balat.
At kung siya’y magwawagi, tulad ng inaasahan ng mga surveys,
siya ay gagawa ng kasaysayan bilang kauna-unahang itim na pangulo
sa Amerika.
Tanda ko pa nga noong 1960, nu’ng ako’y kauumpisa lang
magsuot ng mahabang pantalong khaki (ang uniform namin noon sa elementarya
ay khaki na “corto” o short pants, at noong high school
ay khaki pa rin, pero “largo” na o long pants, at puting
polo shirt na may nakaburdang “badge” ng iskwelahan),
tayo rito sa Pilipinas ay interesadung-interesado rin, dahil sa
kauna-unahang pagkakataon, may maaaring maging pangulo ng Amerika
na Katoliko, si John Fitzgerald Kennedy. Bago kasi naging pangulo
si Kennedy, pulos Protestante ang nananalo sa Amerika, kung
saan sila’y nakararami, ‘di tulad dito sa atin. Doon
nga nanggaling ang kasabihang dapat ay maging “WASP”
para manalo sa kanilang panguluhan...“White, Anglo-Saxon Protestant”.
Tayo’y lubhang nakatutok sa kampanya nila ngayon hindi lamang
dahil ito ang kauna-unahang pagkakataon na naglalaban ang isang
itim at isang puti, isang bata (47-anyos si Obama) o isang matanda
(si McCain ay 72 anyos na), kundi dahil nakatutuwang pakinggan ang
kanilang mga debate, at nakahahanga ang sistema ng kanilang kampanya
na bukas na bukas at nakatuon sa mga isyu at mga pagkakaiba ng pananaw
at paninindigan.
Dito kasi sa atin, pagandahan ng
advertisement, papogian, patalbugan sa popularidad, at padamihan
ng kwartang ginugugol, imbes na suriing mabuti ang kakayahan at
kaugalian ng isang kandidato.
Sa Amerika, maging sa ibang mauunlad na bansa at matagal ng mga
demokrasya, sadyang sinusuri ng mga botante ang kakayahan,
pati na ang nakaraan ng isang kandidato, upang magkaroon ng tanawin
sa kanilang ugali, na siya namang mahalagang batayan kung paano
mamumuno ang isang kandidato. Matamang inihahambing ang kanilang
mga pananalita at paninindigan sa mga isyu noon, kung ihahambing
sa sinasabi’t pinapangako nila ngayon.
Liban sa mga kadahilanang iyan, hindi tayo dapat lubos na mabahala,
o umasa, sinuman ang manalo sa Nobyembre 4 (Nobyembre 5 dito sa
atin), bilang ika-44 na pangulo ng USA. Hindi magbabago ang takbo
ng ating pamumuhay.
Sa totoo lang, hindi na tayo masyadong importante sa mga Kano, lalo
na at wala namang base militar na rito. Maging si Obama o McCain
ang magwagi, hindi gaanong magbabago ang pananaw na iyan ng Amerika
sa ating bansa. Lalo na nga at sila’y sadlak sa matinding
krisis pinansyal, ang pagkakaabalahan ng sinumang presidente
ng Amerika ay ang pansariling mga suliraning ekonomiko at pinansyal.
At kung si Obama ang mananalo, gaya ng binabansag ng mga surveys,
hindi ito maaasahang magsimpatya kay Donya Gloria, lalo na at kilala
niya ang ugali at kawalan ng paninindigan nito. Malamang ay kumunsulta
pa siya kay Pangulong Yudhuyono ng Indonesia, na batay sa aking
kaalaman, ay wala ring respeto sa Donya.
Kung si McCain, baka pa sakali, kasi malapit si Ronaldo Puno sa
mga tauhan at alalay sa kampanya nito. Noon kasing tumira si Puno
sa Amerika nu’ng panahon ni Pangulong Cory, naglingkod ito
sa isang malaking PR firm na ang pinakamalaking kliyente ay si Ronald
Reagan, noon ay pangulo ng Amerika. Ang ilan sa mga nakilala niya
noon ang siyang nagpapatakbo ng kampanya ni McCain ngayon.
Iyan ang isa sa mga dahilan kung bakit ako’y mas umaasang
mananalo si Obama, at matalo si McCain.
***
Nakikiramay tayo ng lubos kay Senador Ping Lacson at sa kanyang
mga kaanak, sa pagpanaw ng kanilang inang si Ginang Maxima
Lacson, sa edad na 87-anyos.
(banayo_at@yahoo.com at litobanayo.blogspot.com)
|