Ang walang-hanggang pakikipag-sapalaran para sa murang gamot

 

Sadya nga naman pong walang-hanggan itong ating pakikipagsapalaran para gawing abot-kaya ang gamot. Paano ba naman, wala ring sawa ang mga linta sa gobyerno at sa pribadong sektor, na sa halip na bigyang-lunas ang mga naghihingalo nating kababayan, ay pinipiling punan ang sari-sarili nilang mga bulsa.


Alam naman po ninyo kung gaano kahirap at kahaba na ang ating laban.

Nasa Department of Trade and Industry (DTI) pa lamang po tayo, ipinaglalaban na natin itong murang gamot. Ayan na nga’t inihabla na tayo ng mga malalaking kumpanya ng gamot dahil nababawasan ang kaban-kabang salaping kinikita nila mula sa taumbayan.


Wala naman po akong away sa negosyo. Naniniwala po ako na talagang dapat palaguin ang mga negosyo para sumigla ang ekonomiya, para magkaroon ng sapat na hanapbuhay ang mga mamamayan.


Ang sa akin lamang po, hindi dapat inuuna ang pagnenegosyo sa karapatan ng taong mabuhay. At buhay po ng tao ang katumbas ng abot-kayang gamot.


Ang totoo po niyan, hindi ang karamdaman ang problema, dahil may gamot naman na puwedeng magbigay lunas. Ang problema po ay ang gamot na pagkamahal-mahal, dahil sa monopolyo ng mga malalaking kumpanya.

Ang problema po ay hindi na mabili ito ng mamamayan nating lugmok na lugmok na sa kahirapan.


Ang nangyayari niyan, napipilitan ang Pilipinong mamili kung ano ang uunahin, gayon ngang limitado ang laman ng kabilang bulsa: pagkain, o kalusugan? E di ba’t pareho naman pong karapatang pantao ito?


Sa kabilang dako naman, limpak-limpak na salapi na ang kinikita ng mga multinational companies. Limpak-limpak na salapi rin ang kinikita ng mga kakuntsaba nila sa gobyerno. At mas gusto pa nila itong dagdagan, kaysa bigyang-lunas ang mga taumbayan.


Ayan na nga po’t pinipilit sindakin ng Pfizer ang mga maliliit nating botika. Nagbebenta raw po kasi ang mga ito ng Avamax, na isang bersyon ng Lipitor na siyang nanggagaling sa Pfizer. Maintenance drug po ito laban sa mataas na cholesterol, at treinta porsyento po ang ibinaba ng Avamax sa Lipitor.


Ngayon, kung may away ang Pfizer at ang Unilab, na siyang gumagawa ng Avamax, aba’t du’n dapat sila magmanu-mano sa korte. Huwag na sanang idamay ang mga botika at taumbayan, dahil ang gusto lang naman po nila ay ang matagal na na­ting ipinaglalaban: Ang ga­wing abot-kaya ang pres­yo ng gamot para naman hindi lalong ma-high-blood ang karaniwang mama­mayan.


Isinusumpa ko pong kakampi ako ng ng karaniwang maysakit sa labang ito. Ang dapat gawin ng Pfizer ay silipin muli ang kanilang mga mission - v­ision statement, at tingnan doon kung mas mahalaga ba talaga para sa kanila ang kumita ng limpak-limpak na salapi, o ang magligtas ng buhay ng tao.


Dahil kung hindi pagligtas ng buhay ng tao ang punto, ano pa nga ba po ang punto?




***

Para sa mga komento o tanong, maaaring mag-text sa 0917-6276927 o mag-email sa mar@marroxas.com

 

 
 
              Search for keyword
 
EXCHANGE RATE

 
Copyright © 2008, Monica Publishing Corporation. All Rights Reserved
designed and developed by:
MIS Section