Toyota, Sista puntirya ang semis slots

 

Kukumpletuhin ng Henkel-Sista at Toyota Balintawak ang semis cast sa kanilang magkahiwalay na laro sa quarterfinal round ng PBL Unity Cup sa Olivarez Sports Center ngayon.

Ang Super Sealers, na tila nakakuha ng kumpiyansa sa nakaraang laro, ay sasabak kontra San Miguel-Magnolia sa alas-kuwatro ng hapon, habang ang Roadkings, na magtatangkang muling makatapak sa finals, ay haharapin naman ang hamon ng delikadong Burger King sa ika-2 ng hapon.

Dahil sa pagtapos na pangatlo at pang-apat sa two-round elims, ang Super Sealers at Roadkings ay nakahablot ng twice-to-beat advantage -- na ibig sabihin, isang beses lamang nila kailangang talunin ang kalaban para makaabante sa Final Four.

Ang Super Sealers ay dalawang sunod nang tinalo ang Beverage Masters, salamat sa pagdating ni Fil-Am guard Ryan Reyes na siyang naging ‘messiah’ ng koponan.

Sapul nang lumaro ang 6-foot-1 na si Reyes sa Henkel-Sista, nagbago ang ihip ng hangin sa Super Sealers, kung saan nagawa nitong manalo ng apat sa huling anim na laro, at tumapos na pang-No. 3 (6-6 win-loss card).

"He’s a perfect guy for us because he can shoot, defend and provide the leadership on the court," komento ni Henkel-Sista coach Caloy Garcia patungkol kay Reyes.

Si Reyes ay may 18 points sa unang tatlong laro nito.

Gayunpaman, hindi pa rin magkukumpiyansa si coach Garcia sa Beverage Masters.

"There’s no guaranty that we can beat Magnolia again. Magnolia is a tough team," ani Garcia. "If we can play better than our previous two games, then we have a good chance of winning."

Ang Beverage Masters, na napanalunan ang kumperensiyang ito may dalawang taon na ang nakalilipas nang gapiin ang Rain or Shine, ay kagagaling lamang sa impresibong 93-84 win kontra Dazz sa kanilang knockout match noong Sabado.

Ayon kay Magnolia coach Koy Banal, ikinundisyon ng kanyang mga manlalaro ang kakayahang talunin ang Dazz at iyon nga ang nangyari.

"We have faith in ourselves that’s why were able to hurdle Dazz. We hope we can do it again," wika ni Banal.

Ang Rey Pben-owned Roadkings ay tinalo na ang Whoppers sa unang pagkikita, pero rumesbak ito noong Sabado.

Talo ang Roadkings sa huli nitong tatlong asignatura sapul nang bumalik si last year’s MVP Joe Calvin Devance, na halatang ‘overweight.’

Gayunpaman, tiwala si Toyota coach Ariel Vanguardia, na makakabawi na si Devance.

<BACK