RUEL MENDOZA

ADS 

Yasmien, mas type si Rainier kesa kay JC?

Ruel Mendoza

ALAM na alam ni Yasmien Kurdi na may mabigat na pressure sa balikat niya ngayon, lalo na at siya ang gumaganap sa papel na unang ginampanan ni Sharon Cuneta, sa pelikulang Pati Ba Pintig Ng Puso.

Sabi nga ni Yasmien, hindi siya makapaniwala na siya ang mapipili ng GMA 7 para sa nasabing papel.

"Nakakagulat po kasi hindi ko naman ito hiningi. Noong sabihin sa akin na isang Sharon Cuneta movie ang gagawin namin, halos napaiyak po ako, kasi nga megastar ‘yan, eh. Tapos sa akin ibibigay. Parang nananaginip ba ako?" bungad na sabi ni Yasmien.

Aba, hindi pa nga tao si Yasmien noong ipalabas ang Pati Ba Pintig Ng Puso sa sinehan noon. Sa VCD na lang daw niya ito napanood at bentang-benta sa kanya ang istorya.

Gusto nga raw niyang bigyan ng sariling interpretation ang papel na Jena. Ultimo ang pag-awit niya ng theme song ay binigyan niya ng sarili niyang version.

"Nakakahiya pong maikumpara kay Ms. Sharon Cuneta," hirit ni Yasmien.

"Kaya kung ano ang ipakita ko sa project na ito, sarili kong interpretation iyon. Para sa akin, nag-iisa lang po ang megastar at walang dapat na maikumpara sa kanya."

Masuwerte nga si Yasmien dahil pagkatapos siyang bigyan ng mga mabibigat na papel sa mga drama shows na Now And Forever Presents Tinig at Bakekang, heto at mas malaking drama feat ang kakaharapin niya.

"Malaki ang pasasalamat ko sa mga naniniwala sa akin dito sa GMA-7. Tinatanong ko nga ang sarili ko minsan kung kaya ko ba ito? Handa na ba ako? Baka kasi sumobra ang expectations nila sa akin at pumalpak ako. Pero dahil nga sa paniniwala nila sa akin, lalong lumakas ang loob ko. I will really give my best para hindi ako mapahiya sa kanila."

Hindi ba siya nanghihinayang at hindi ang ka-love team niyang si Rainier Castillo ang ipinareha sa kanya?

"Wala naman pong problema kasi desisyon po ‘yan ng management. Sa akin naman, kahit na sinong i-partner sa akin, gagawin ko ang makakaya ko para maayos ang pagtatrabaho namin.

"But of course, mas okey sana kung si Rainier kasi sanay na ako sa kanya. Hindi na ako maiilang pa. Pero wala namang problema with JC de Vera, kasi I’ve worked with him ng ilang beses na. Okey naman kami at sa mga nakunan na naming eksena, mahusay si JC. He’s giving his best din sa role niya as Aldrin." 

<BACK