ADS 

Ian, naiipit kina Nora at GMA!

Jun Nardo

NAGBABALAK si Nora Aunor na gumawa ng pelikula sa Amerika, kasama ang anak na si Ian de Leon. Kaya naman pinababalik niya ang anak sa States next month nang sa gayon ay masimulan na ang proyekto.

Ang paggawa ng pelikula ni Ian with her mommy ay bukod pa sa second part ng US Tour ng superstar na gusto rin niyang simulan next month.

Eh, problema nga lang ay ang schedules ni Ian. Although matatapos na ang taping niya for Super Twins na wala nang balak i-extend ng GMA 7, ang kasunod niyang project ay ang local version ng Shaider.

Although marami pang inaayos na detalye sa Shaider tulad ng script na kailangang ipadala sa Japan for approval, tuluy na tuloy na ito na kung hindi mid-June ay late June ang simula ng taping.

Pero kailangang mag-train ng martial arts si Ian kaugnay ng series. Mas maaksyon daw ito kaya it’s a must na magdaan sa training ang lahat ng nasa cast.

Eh, si Ian pa naman ang trainor ng mga bagets sa cast at role model pa nila ito. Kaya hindi puwedeng mapagpaliban ang training na gagawin, huh!

Kaya nga tuliro rin si Ian between sa request ng mommy niyang gumawa ng pelikula sa Amerika at ang bago niyang TV series.

"Maayos sanang lahat ang mga schedules dahil ayoko rin namang mabigo si mommy sa lambing niyang ‘yon sa akin," pahayag ni Ian.

***

Bakit kaya biglang napagdiskitahan ng COMELEC ang mga quick counts sa resulta ng election na ginagawa ng media ngayon? Nangyari na ito noong nakaraang eleksyon, di ba? Why all of a sudden, nagbago ang takbo ng utak ng COMELEC particularly si Chairman Abalos?

Kaya naman nanggagalaiti ang mga radio announcers ng DZMM na sina Ted Failon at Anthony Taberna sa pahayag na ito ni Chairman Abalos sa kanilang mga radio programs.

Katwiran ni Ted, bahagi ng freedom of the press at ng right to information ng publiko ang ginagawang quick counts ng media. May himig na pagbabanta kasi ang tinuran ni Comm. Abalos tungkol sa bagay na ito na amin ding napanood sa TV sa interbyu sa kanya.

Hindi tuloy maiwasang maisip ni Ted na dahil sa pamamayagpag ng GO candidates, nagkaroon bigla ng ganoong pahayag si Chairman Abalos, huh!

Sa totoo lang, nang papalapit na ang eleksyon, naging addict kami sa pakikinig sa programa nina Ted at Korina Sanchez pati na nina Gerry Baja at Anthony.

Ang tatapang kasi ng apat na ito sa pagpapahayag ng kanilang damdamin, huh! Kulang na lang nga ay magmura ang mga ito sa taong kinabubuwistan nila, ‘no?

Naalala tuloy namin ang dating show sa Channel 2 na Ipaglaban Mo. Sabi sa show, "Kapag may katwiran, ipaglaban mo!"

Ganyan sina Ted, Korina, Gerry at Anthony, huh!

<BACK