ADS 

Cherry Pie, dadalo sa Cannes Filmfest!

Trillanes, nagpasalamat sa showbiz!

Jojo Gabinete

HINDI pa tapos ang canvassing sa mga boto ng mga kumandidatong senador, pero malaking sorpresa sa lahat ang suporta na ibinigay ng mga botante kay Lt. Senior Grade Antonio Trillanes IV.

Hindi nakapangampanya si Trillanes dahil nakakulong ito pero hindi ‘yon naging hadlang para hindi siya makakuha ng maraming boto.

Isang insider ang nagkuwento sa amin na malaki ang pasasalamat ni Trillanes kay Mother Lily Monteverde ng Regal Films dahil sinuportahan nito ang kanyang kandidatura sa pamamagitan ng pagtawag ng press conference na dinaluhan ng pamilya niya.

Pinasasalamatan din ni Trillanes ang mga miyembro ng entertainment press dahil ang mga ito ang naging instrumento para maipaabot niya sa publiko ang kanyang mga plataporma.

Naniniwala si Trillanes na malaki ang naitulong ni Mother Lily at ng showbiz press sa kanyang kandidatura.

***

Nanghihinayang si Ricky Davao dahil hindi siya nakaboto noong nakaraang eleksyon. Nang magpunta si Ricky sa poll precinct, hindi siya pinayagan na bumoto dahil kasama ang kanyang pangalan sa "disenfranchised list".

Pareho ang kapalaran ni Ricky at ng asawang si Jacqui Lou Blanco. Kabilang din ang pangalan ng aktres sa listahan ng disenfranchised voters.

Maliban sa hindi sila nakaboto ni Jacqui Lou noong 2004 election dahil wala sila sa bansa, walang maisip na dahilan si Ricky para ituring sila na disenfranchised voters.

***

Nanalo kaya ang aktres na kumandidato sa isang bayan sa North Luzon? Hindi nagpaparamdam ang aktres sa mga kaibigan na panay ang tawag sa kanyang cellphone at pagpapadala ng mga text message ng pangungumusta tungkol sa naging resulta ng pagkandidato niya.

Sinubukan din namin na tawagan ang aktres pero hindi nito sinagot ang kanyang telepono. Nagdududa ang mga kaibigan na hindi pinalad na manalo ang aktres dahil kung nagwagi ito, tiyak daw na nang-iingay at nagpapainterbyu na siya.

***

Present sa launch ng Paano Kita Iibigin soundtrack ang mga TV crew ng ABS-CBN at GMA 7. Dahil sa network war, ang nabanggit na album launch ang rare occasion na present ang GMA 7 TV crew sa event ng Star Records, ang sister company ng Star Cinema na producer ng Paano Kita Iibigin, ang pelikula nina Regine Velasquez at Piolo Pascual.

Ginanap ang album launch sa SM The Block noong Miyerkules. Two hours late sina Piolo at Regine dahil nanggaling pa sila mula sa shooting ng kanilang pelikula sa malayo pero napakagandang bayan ng Majayjay, Laguna.

Late man ang dalawa, matiyagang naghintay ang kanilang mga tagahanga na gusto silang makita nang personal. Inabot na ng pagsasara ng The Block ang presscon pero hindi umalis ang mga tao.

Kinanta nina Piolo at Regine ang ilang cuts mula sa album.

Sobra-sobra ang pasasalamat ni Piolo dahil si Regine ang naging voice coach niya at nagbantay sa kanyang recording.

***

Hindi pa namin napapanood ang trailer ng Seiko Films Silip pero dalawa sa aming mga kaibigan na kapwa film critic ang nagkuwento na interesting at impressive ang teaser ng pelikula na pinagbibidahan nina Francine Prieto, Polo Ravales at Joel Lamangan.

Showing sa mga sinehan sa June 6 ang Silip at magkakaroon ito ng premiere night sa June 4. Si Joel Lamangan ang direktor ng Silip at si Racquel Villavicencio ang sumulat ng script.

Dadalo sa Cannes Film Festival ang Seiko Films producer na si Robbie Tan dahil kasali sa Directors Forthnight ang Foster Child.

Kasamang aalis ni Robbie sa darating na Lunes si Cherry Pie Picache, ang lead actress ng Foster Child.

Bago sila lumipad papunta sa France, gusto ni Robbie na matapos ang lahat ng post-production work sa Silip.

***

Comments are welcome at jojogabinete@yahoo.com.

<BACK