|
Dear Kuya Rom,
Kapag iniinterbyu ang
mga babae at tinatanong sila sa TV, sabi nila hindi raw ang
kaguwapuhan ng lalaki ang priority nila. Pero bakit halos lahat ng
mga babaeng inimbitahan ko sa lunch o dinner date ay iisa ang
sinasabi, "Okay ka, galante ka, pero sorry, no, thank
you." Napapakinggan ko kapag nag-uusap ang mga babae, nahihiya
raw sila kung ano ang sasabihin ng iba kapag hindi ‘cute’ ang
kasama o ka-date nila.
Pagiging ‘cute’
ba talaga ang hinahanap ng mga babae sa lalaki kahit ito’y
makasarili, mababaw at istupido? Hindi ba wala namang tao ang may
kontrol kung ano ang lahi niya, kulay niya, hitsura niya at
pagmumukha niya kapag ipinanganak siya? Hindi naman po ako pangit,
pero hindi rin ako cute. Paano ba ako magkakaroon ng girlfriend na
tatanggap sa akin kahit anong hugis ng mukha ko? Please advise?
Thanks a lot!
Cool
Dear Cool,
Totoo, karamihan sa
mga babae, "No cute, no date." Ang masasabi ko, ang
babaeng nagsasabing, "basta gusto ko cute na lalaki," ay
mababaw at ito ang klaseng ayaw mong makasama ‘pagkat ikinahihiya
ka sa publiko.
Mabuti na lang marami
ring babae ang nagsasabi na ang "pagiging cute ay nasa
tumitingin." Hindi ito ang ‘cute’ na nakikita sa TV o sa
pelikula ‘pagkat karamihan ng tao ay hindi super ganda at super
guwapo. Karamihang tao sa mundo ay ordinaryo lamang ang hitsura.
Ang pagiging ‘attractive’
ng isang tao ay ang kanyang kabuuang pagkatao at ito’y
nadidiskubre lamang sa pamamagitan ng matagalang pagiging
magkaibigan. Kung ano ang nasa loob ay siyang lalabas sa katagalan.
Para sa ibang babae,
ang lalaking nagpapakita ng kompiyansa sa sarili ay ‘cute.’ Ang
lalaking magaling magpatawa ay ‘cute’ rin para sa kanila.
Maraming mga lalaking artista ang hindi ‘cute,’ ngunit dahil
magaling silang magpatawa, maraming babae ang naaakit sa kanila. Ang
lalaking mapagmahal, mapursigi at maalab sa lahat ng bagay --
mapagmahal sa mga bata, mapursigi sa hanapbuhay, maalab sa
paglilingkod ay ‘cute’ rin para sa ibang babae.
Naaakit ang isang
babae sa isang lalaki kung mayroon silang isang bagay na parehas
nilang kinahihiligan. Halimbawa, parehas kayong may interes sa
paglilingkod sa barangay, medical mission, livelihood foundation,
sports, pelikula, at iba pa.
Ngayon, kung gustong
mong maging ‘cute’ at ‘attractive’ sa mga babae sa
pamamagitan ng iyong pisikal na hitsura, mayroon kang puwedeng gawin.
Pumunta ka sa isang magaling na salon na may babaeng marunong
mag-isip kung ano ang bagay sa buhok mo at mukha mo upang lumabas
ang natatago mong kaguwapuhan. Ito ay tinatawag na ‘make-over.’
Kung kailangang
magtapos ka ng pag-aaral, magkaroon ng promotion sa trabaho,
pagsumikapan mo ang mga ito. Higit sa lahat, lumapit ka sa Diyos.
Walang imposible sa Kanya.
Sa isang magtitipon
ng mga taong nasa mataas na lipunan (ang tinatawag na "double-A
society" o "upper-class society"), isang kilalang
lalaki sa larangan ng sports ang tinanong kamakailan kung ano ang
sekreto niya sa pagkakaroon ng matatag na pamilya at buhay may-asawa
sa gitna ng lipunang kanyang ginagalawan kung saan marami ang sirang
pamilya at hiwalayan. Ang sinabing dahilan ng celebrity ay
ikinagulat ng marami. Ang simpleng sagot niya ay ito: "Sapagkat
inilagay ko sa kamay ng Diyos ang aking buong buhay at buhay naming
mag-asawa."
Sana’y nakatulong
sa iyo ang mga pangungusap na ito. God bless you!
Payong kapatid,
Kuya Rom
|