ADS 

Bagong pulitika nga ba?

Susan Fernandez

May mga nagbabahagi ng ilang obserbasyon sa naganap na halalan. Sa ngayon, ang mga ito’y batay sa di pa opisyal na bilangan ng mga boto. Ang mga napuna’y maaring hudyat ng pagbabago sa takbo ng isip at puso ng mga botante tungo sa mas positibo at kahanga-hangang direksyon.

Habang sinusulat ito, ang tally ng mga boto para sa mga senador mula sa di opisyal na mga grupo tulad ng media ay nagpapakita ng pangingibabaw ng oposisyon. Ang mula sa administrasyon ay wala pa sa kalahating porsyento ng 12 slots. Mas nalaktawan pa sila ng ilang independienteng kandidato.

Isang bagay ang mapupuna dito. Ang makinaryang matibay at suportado ng malaking pondo ay di katiyakan sa pagtagumpay sa eleksyon. Di ito umubra sa Team Unity. Samantala, ang GO, na malimit magpahayag na kapos sila sa pondo at matatag na makinarya, ay naghahari sa ngayon sa bilangan.

Mapapansin ding walang kandidatong artista ang pinalad sa ngayon na makabilang sa top 12 ng karera sa senado. Patunay kaya ito na natuto na ang mga botante? Na di na pinaiiral ang popularidad bilang tanging basehan ng pagpili ng iboboto? Sina Montano at Gomez ay walang dudang napakapopular na mga artista. Isama na natin si Pacquiao. Ngunit silang tatlo’y malayo ngayon na mapabilang sa magtatagumpay na mga kandidato.

Sana nga senyales ito na mas nag-iisip na ang botante. Higit sana nilang sinuri talaga ang karakter, kakayahan, paninindigan at plataporma ng mga kandidato. Mas maoobserbahan marahil ito sa nagaganap sa Pampanga. Isang paring katoliko ang nangahas labanan ang dalawang pulitikong makapangyarihan sa karera ng pagka-gobernador.

Sa kabila ng kawalan ng malaking pondo at makinarya, si Fr. Panlilio ay nangunguna ngayon sa bilangan. Ito raw ay hudyat ng bagong pulitika sa rehiyon dahil tinatalikuran ang sistemang padrino. Nangunguna ang pari sa kabila rin ng maruming propaganda na hinagis sa kanya ng mga kalaban. Siya ang pangatlong pwersang sinuportahan ng maraming non-government organizations bilang kandidatong may mas angat na antas ng moralidad.

Napabalita rin ang ilang kandidato sa pagka-senador na gumastos nang napakalaking halaga sa kampanya at kumuha ng mga bigating celebrity endorsers. Sila yung may mas maraming tv commercial at patalastas sa dyaryo na milyones ang kailangan. Sila ay hindi pa rin napapabilang sa magic 12.

Pruweba rin kaya ito na ang mga tao ngayo’y hindi na basta-basta nasisilaw sa nakakaaliw na komersyal at sikat na nag-eendorso? O pruweba ito na ngayon ay hindi tiyak na maghahatid ng tagumpay sa halalan ang pagkakaroon ng malaking kayamanan. Ang naiulat na kandidato sa pagkasenador na gumastos ng pinakamalaki para sa mga komersyal ay di makikita sa listahan ng top 12.

Kung ang lahat ng naobserbahan ay totoo, makabubuntunghininga tayo na sa wakas may konting pagbabagong nangyayari sa kultura ng pagboboto. Sa wakas, kahit unti-unti nag-iibayo ang direksyon ng eleksyon. Kahit mayroon pa ring mga insidente ng karahasan at mga tangka ng pandaraya, ang mga resulta sa ngayon ay nagpapakita ng kaibang takbo ng pag-iisip ng botante.

<BACK