Ulan ng Pagpapala
Elohim
Ni Z. Hebron

May apat na katanungan si Jack, isa sa mga sumusubaybay sa column na ito. Sasagutin natin ngayon ang unang dalawang tanong:

      1. "Ang Espiritu Santo ba ang manganganak sa atin sa bawtismo?"

      Malaki ang papel na ginagampanan ng Espiritu Santo sa bagong kapanganakan ng isang tao. Sa sandaling magsisi sa kasalanan ang taong iyon, tanggapin si Cristo Jesus at manampalataya sa Kanya, limang mahahalagang bagay ang ginagawa ng Espiritu Santo sa bagong mananampalatayang iyon:

      Una: Ang makasalanang tao na tumalikod sa kasalanan at tumanggap kay Cristo ay ginagawang isang "bagong nilalang" ng Espiritu Santo. Ito ang ibig sabihin ng "ipinanganak ng Espiritu" (Tito 3:5; Juan 3:3-7; 1 Pedro 1:23; Santiago 1:18).

      Ikalawa: Binabawtismuhan ng Espiritu Santo ang taong dating makasalanan ngunit sumampalataya na kay Cristo (Roma 6:3-4; 1 Corinto 12:13; Galatia 3:27; Efeso 4:4,5; Colosas 2:12).

      Ikatlo: Ang Espiritu Santo ay nananahan sa mananampalataya ( Juan14:20; 1 Corinto 2:12; 1 Corinto3:16; Juan 14:16; Juan 7:37-39; Roma 8:9; 1 Juan 3:24; 2 Corinto 5:17; Galatia 5:16-18; Efeso 3:16).

      Ikaapat: Sineselyuhan o "tinatatakan" ng Espiritu Santo ang mananampalataya, upang bigyang kasiguraduhan ang mananampalataya tungkol sa kanyang kaligtasan (2 Corinto 1:22; Efeso 1:13-14; Efeso 4:30; 2 Corinto 5:5).

      Ikalima: Pinupuspos ng Espiritu Santo ang mananampalataya kay Cristo at binibigyan Niya ito ng kapangyarihang mamuhay nang banal at nagsisilbi sa Diyos (Mga Gawa 2:4; Mga Gawa 4:8; Mga Gawa 13:52).

      2. Anak ba ng Diyos ang Espiritu Santo?

      Ang Anak ng Diyos (o Diyos Anak) ay si Cristo Jesus, hindi ang Espiritu Santo. Ang iisang Diyos ay may tatlong Persona: Diyos Ama, Diyos Anak, at Diyos Espiritu Santo. Ang misteryong ito’y kinukumpirma ng isa sa mga pangalan ng Diyos sa wikang Hebreo: ang "Elohim". Ang salitang "Elohim" ay isang plural noun o pangngalang maramihan. Subalit sinasabi rin ng Deuteronomio 6:4 na "ang Panginoon nating Diyos ay iisang Panginoon". Ang misteryong ito ay pagpapatunay na ang tunay na Diyos ay hindi tulad ng karaniwang tao dahil hindi kayang malirip ng ordinaryong pag-iisip ang lahat ng katotohanan tungkol sa Kanya. "Inilagay [ng Diyos] ang walang hanggan sa isipan ng tao, gayunma’y hindi niya malalaman ang ginawa ng Diyos mula sa pasimula hanggang sa wakas" (Ecclesiastes 3:11).

      Sa aklat na "The Great Doctrines of the Bible" ng Bible scholar na si William Evans ay makikita ang magandang paliwanag tungkol kay Elohim : "Ang Ama ay ang kabuuan ng Diyos na di-nakikita (Juan 1:18); ang Anak ay ang kabuuan ng Diyos na nagpakita (Juan 1:14-18); ang Espiritu ay ang kabuuan ng Diyos na agarang kumikilos sa kalagitnaan ng Kanyang mga nilalang (1 Corinto 2:9, 10).

      Salamat sa sulat, Jack. May utang pa akong dalawang sagot. Itutuloy.

      [NABIIM, P.O. Box 468 Araneta Center, Cubao, Quezon City 1135 Philippines. Email: nabiim2006@yahoo.com]

<BACK