ADS 

Halalan 2007: Generally not peaceful

Jesus Sison

Sa panonood ng telebisyon, mahirap sabihing generally peaceful ang halalan 2007. Ibinalita sa TV: Ang pagsunog sa school building at pagkamatay ng 1 guro at 1 watcher sa Batangas; pag-agaw ng 12 ballot boxes sa Pampanga; pagnakaw ng reserve election forms sa Comelec office; pambabaril sa school building sa Basilan; Rambulan at suntukan ng dalawang grupo ng supporters sa Sulu State University.

***

Binigyang pansin ng foreign observers ang disenfranchisement sa mga presinto ng urban poor; balitang paggamit ng army, Cafgu at pulis sa botohan sa N. Luzon; insidente patungkol sa hinalang Election Returns switching na sinugod ni mayoralty candidate Alfredo Lim; sa Masbate, hindi tugmang bilang ng Election Returns kung saan ang libong boto ay naging zero, atbp.

***

May mga katuwa-tuwa, pero ‘di birong pangyayari: Kalituhan ng mga botante dahil sa bagong voters’ listing; jeepney hold-up ng 7 guro pagkatapos nilang magsumite ng election forms sa Comelec; ballot box na naiwan sa kalye; ballot boxes na hindi nakakandado; brown-outs sa iba’t ibang bahagi ng Metro Manila, Davao, Marawi, Jolo, atbp.; Naging madilim at "mainit" ang precinct vote tally.

***

Para kay Fr. Joe Dizon ng watchdog Kontra Daya: "Ang halalan ay sinira ng dahas, pagkalito at gulo. Mga kundisyon ito para sa malawakang dayaan." Tama si Fr. Dizon sa mungkahi niya na huwag nating dali-daling papurihan ang mga ahensya ng gobyerno, lalo na at ayaw tanggapin ng gobyerno ang kabigatan ng problema sa halalan. Hindi dali-daling maibibigay ang seal of approval sa Halalan 2007.

***

May nagtanong patungkol sa naganap na DoH assemblies sa 16 na pook sa mga rehiyon. Biglaan daw ito at ginawa pa sa panahon ng eleksyon. Sa Metro Manila, nagtipon ang 2,500 barangay health workers, at may 4,000 naman ang nagtipon sa Davao City. Pero paliwanag naman ng DoH officials ay patungkol ito sa Safe Motherhood Program. Safe answer.

***

Sa DoH assemblies binigyang halaga ang family planning program kaugnay ng Safe Method Week. Umabot sa P19 milyon ang ginamit sa assemblies at may mensahe na: "Kailangan ang isang united Senate." Ayon sa insiders, savings daw ito ng DoH population program. Pero tanong: Bakit ngayon lang ginawa ito na ‘di ginagawa taun-taon?

***

Positive news na pagkakaperahan ng urban poor ang mga papel, karton at kahoy na ginamit sa kampanya at eleksyon. Nagsimula nang baklasin ang campaign posters, samantalang ang mga kahoy ay magagamit bilang panggatong sa pagluluto. Nabebenta rin ang basura ng eleksyon sa junk shops ng P3 bawat kilo. May pera para sa urban poor kung may halalan.

***

Liwanag ng bagong pulitika si Fr. Eddie Panlilio na lumahok sa halalan 2007. "Wala siyang pansariling interes," ayon sa supporters ni Fr. Ed. Malaki ang lamang ni Fr. Ed ayon sa initial counting. Pero may sariling count ang mga kalaban niya. Manalo man siya o hindi, ipinakita ni Fr. Ed ang tapang para harapin ang kasamaan ng ating pulitika.

***

Kasabay ng balita na nag-utos ang Palasyo na ituloy ang imbestigasyong ginagawa ng Melo Commission sa pagpaslang ng mga aktibista, journalists, atbp. Alam natin na patuloy ang pagbigay pansin ng international human rights groups sa activist at media killings sa bansa. Pero kaduda-duda kung malulutas ang serye ng karahasang sa bali-balita o press release lamang.

***

jesssison_2000@yahoo.com

<BACK