ADS 

Malaking kurakutan na naman!

Jake Macasaet

Malaking halaga, $360 million, ang inuutang ng gobyernong Arroyo sa ZTE sa China. Gagamitin daw ang pera sa paggawa ng tinatawag na national broadband.

Ito ang magbibigay daw ng telepono sa bawat barangay. Telepono ng bayan ang tawag nila diyan.

Mali yata ang prayoridad ni GMA sa proyektong ito. Ano ba talaga ang gusto ng mga tao sa barangay? Telepono o libreng ospital at gamot?

Siyempre gamot at libreng ospital. Pero hindi naman maibigay ng pamahalaang Arroyo.

Bakit ba kailangan ang telepono? Halos lahat kahit mahirap na barangay may cellular phone. Ibang klaseng telepono ngayon ang gusto. Parang sa PLDT.

Landline ang tawag.

Ano ba ito? Pagpapatuloy ng "telepono ng bayan" na magbibigay ng telepono sa bawat barangay?

Palagay ko hindi matutuloy ang proyektong iyan. Pero kukunin din ang $360 million loan. Ibig sabihin, wawaldasin sa halalan para makatiyak lang na hindi ma-impeach si GMA kung kulang ang bilang ng mga mananalong congressman. Sobra ang dumi ng NBN National Broadband na iyan. Una, ang China raw ang pipili ng supplier ng mga kagamitan.

Ibig sabihin, walang subastahan. Labag iyan sa batas at puwedeng maging dahilan sa pag-impeach ni GMA.

Nakakahiya sa ibang bansa ang nangyayari. Pati tuloy si US Ambassador Kenney ay nagsabi na dahan-dahan lang sa proyekto. Ipakita raw sa mundo na walang kalokohan.

Masyadong magalang si Ambassador Kenney. Sa palagay ko, alam naman niya na ang national broadband project ay puro kalokohan. Baka hindi matuloy. Pero magkakautang tayo sa China ng $360 million. Wala pa rin ang broadband. Kung meron man, uumpisahan lang. Hindi matutuloy.

Ang malaking bahagi ng utang na iyan ay sa kurakot mapupunta. Ang patunay ay ang China ang pipili ng kumpanyang magus-supply ng kagamitan. Walang bidding.

Ang proyektong ganyan kalaki ay dapat isubasta para pinakamahusay at pinakamatipid ang gagawa ng proyekto.

Maraming interesadong foreigner, kasama na ang mga Kano. Bakit hindi sila napansin man lamang? Dahil mawawala ang kurakot.

Sabi ng Malacaņang, P3.4 billion daw ang matitipid ng gobyerno sa paglalagay ng national broadband. Ang $360 million sa palitang P48 bawat dolyar ay katumbas ng P17.2 billion.

Balita namin $100 bilyon ang ibubulsa ng mga malalakas na tao. Katumbas niyan ay P4.8 billion.

Kung ganun, mas malaki pa ang kurakot kaysa savings na P3.4 billion.

Malalaman natin sa darating na mga araw kung ano nga ang nangyari sa proyekto.

Unang tanong! Nakuha na ba ang loan? Ilang taon babayaran? Magkano ang interes?

Walang sinabi ang Malacaņang.

Sino ang Chinese supplier? Wala rin silang masabi? Anong pag-aaral ang ginawa nila sa pagkukumpara ng equipment na mula sa China at sa ibang bansa tulad ng Amerika o kaya ay Japan?

Wala rin.

Meron kayang tinatawag na performance warranty o garantiya na hindi magigiba at patuloy na magagamit ang national broadband? Wala ring sinasabi ang Malacaņang.

Bakit kaya tahimik si GMA sa isang proyekto na maraming mahihirap ang makikinabang? Dahil nga malaki ang kurakot sa proyekto. Palagay ko nga, baka hindi pa natuloy.

Pero naragdagan ang utang ng bayan ng halagang $360 million.

<BACK