|
Nagsimula nang gumana
ang "operation bawas" ng pamahalaan at pangunahing biktima
ay ang mga umano’y militanteng party-list group upang maipasok
umano ang mga party-list na kaalyado ng gobyerno.
Ito ang sigaw kahapon
ng mga militanteng grupong Anakpawis, Gabriela, Bayan Muna, Suara
Bangsamoro at Kabataan.
Ayon sa nasabing mga
party-lists, may malawakan at ‘systematic shaving’ umano ang
kanilang boto sa lalawigan ng Autonomous Region of Muslim Mindanao,
Lanao del Sur, Sultan Kudarat, Maguindanao, at Zamboanga Sibugay sa
Mindanao; Pampanga, Laguna at Bulacan sa Luzon.
Napag-alaman mula kay
Anakpawis party-list Rep. Rafaal Mariano, base umano sa report na
kanyang natanggap mula sa kanilang Task Force Poll Watch sa naturang
lalawigan lumitaw na sa isinagawang canvassing of votes sa bayan ng
Colombia, nakakuha ng 273 boto ang Anakpawis.
Ngunit nang dalhin
umano sa provincial level ang bilangan, zero vote na ang nakuha ng
Anakpawis base sa COC sa bayan ng Colombia.
Sinabi ni Rep. Liza
Largoza Maza ng Gabriela na gumagawa ng mga aksyon ang military sa
pagpapakalat umano ng mga ito ng maling impormasyon na nangunguna
ang mga pro-military groups sa Absentee voting.
Tinukoy ni Maza ang naglalabasan
umanong maling balita sa mga pahayagan na nangunguna ang mga
pro-military groups nina National Security Adviser Norberto Gonzales
at dating Maj. Gen. Jovito Palparan na ANAD at BANTAY party-list sa
isinasagawang bilangan ng boto. |