|
Sa kauna-unahang
pagkakataon matapos ang May 14 elections ay lumantad na rin sa
publiko kahapon si Pangulong Gloria Arroyo at iginiit na hindi siya
magpapa-apekto anuman ang mangyari sa mundo ng pulitika sa bansa.
Sa kanyang talumpati
sa JP Morgan’s Philippines Corporate Access Days Conference sa
Makati Shangri-La Hotel ay patuloy na dinedma ni Pangulong Arroyo
ang isyu hinggil sa pananalasa ng Genuine Opposition (GO) sa
senatorial race bagkus ay ipinagmalaki nito sa harap ng mga
negosyante na nakopo ng mga administration candidates sa Kamara at
local governments ang panalo sa nakaraang eleksyon.
Paglalarawan pa nito,
ang tagumpay ng kanyang mga ka-alyado sa Kamara at LGUs ay
itinuturing umano niya na "boto ng taumbayan para sa political
stability at economic reform" na isinusulong ng kanyang
administrasyon.
Ang paniniwala ni
Arroyo ay sinusugan naman ni Team Unity (TU) deputy spokesman
Tonypet Albano na nagsabi na malabo nang magtagumpany ang
impeachment kay Pangulong Arroyo ngayong taon matapos na manalo ang
tinatayang dalawang daang kongresista na kaalyado ng administrasyon.
Ayon kay Albano,
sapat na umano ang nakuha nilang bilang upang maharang ang
impeachment complaint na maaaring isampa ng oposisyon sa pagbubukas
ng 14th Congress ngayong Hulyo.
Sinabi ni Albano,
nasa tatlumpung kandidato lamang ng oposisyon ang nanalo sa
congressional race mula sa mahigit isang daang kandidatong pinatakbo.
Aniya, kulang na
kulang ang bilang ng oposisyon para mai-akyat sa Senado ang
isasampang impeachment complaint laban kay Pangulong Arroyo.
Kinakailangan ng
oposisyon na makuha ang 1/3 ng Kamara upang maiakyat ang impeachment
case sa Senado.
Dahil sa dami ng mga
kongresistang nanalo na kaalyado ng administrasyon, sinabi ni Albano
na hindi totoo ang alegasyon na matatalo ang mga kandidato ng
administrasyon dahil sa tinatawag na "kiss of death" ni
Pangulong Arroyo.
"Kung may
backlash, natalo sana ang karamihan sa mga kongresista pero
nadagdagan pa kami," ani Albano sa lingguhang Kapihan sa Senado.
Itinanggi naman ni
Genuine Opposition (GO) spokesman Adel Tamano na impeachment lamang
ang aatupagin ng mga mananalong kandidato ng oposisyon.
"Hindi naman
nasa priority namin ang impeachment," pagdidiin ni Tamano.
Bagama’t ayaw pang direktang
sabihin ang pagko-concede sa senatorial race, nagbigay ng general
statement sa nasabing okasyon si Pangulong Arroyo sa pagsasabing
itutuloy niya ang mga nasimulan na niyang economic policies at hindi
magpapa-apekto anuman ang maging lagay ng pulitika sa hinaharap. |