Comelec mananagot sa 12-0

(Rey Marfil/Tina Mendoza/Eralyn Prado/Boyet Jadulco/Grace Velasco)

Inaasahang maglulu-bid ng paliwanag ang Commission on Elections (Comelec) sa Senado sa pagbabalik-sesyon ng Kongreso matapos ang eleksyon.

Ang pagkakalusot ng 12-0 na resulta ng senatorial counting of ballots sa Maguinadanao na solidong pumapabor sa Team Unity (TU) ang pangunahing pagtutuunan ng pansin ng ipapatawag na ‘inquiry’ ni Senate minority leader Aquilino ‘Nene’ Pimentel Jr.

Binigyan-diin ni Pimentel, ama ng tuma-takbong senatorial can-didate na si Aquilino ‘Koko’ Pimentel III sa ilalim ng Genuine Opposition (GO) at pangulo ng partidong PDP-Laban, hindi umano dapat palampasin ang kaduda-dudang resulta sa nasabing probinsya ng Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM). 

Maliban sa pagkaka-bokya ng GO sa ‘magic 12’ sa Maguindanao, higit umanong nakakabigla ang pangunguna ni senatorial bet at Ilocos Sur Gov. Luis ‘Chavit’ Singson sa nasabing 12-0 result.

Magiging mas kapani-paniwala sana umano kung sinuman kina Cong. Prospero Pichay o Sultan Jamalul Kiram ng TU ang nanguna sa Maguindanao counting dahil kapwa taga-Mindanao ang mga ito.

Lubha umanong ka-duda-duda ang 12-0 result lalo pa’t nangungulelat sa magkakaibang ‘quick counts’ at kahit sa nasimulang Comelec tally ang mga kandidato ng TU.

"The evidence will be used by GO’s legal team to file criminal charges against people who conspired to carry out the massive cheating operations, including the election operators and field officials of the Commission on Elections," ani Pimentel na nagmula rin sa Mindanao.

Sa lingguhang forum kahapon sa Senado ay nagkasagutan sina GO spokesman Adel Tamano at TU deputy spokesman Tonypet Albano nang magkomento ang una hinggil sa pangunguna ng isang Kristiyanong TU candidate sa Maguindanao na isang Muslim-dominated na lalawigan.

"I’m really surprised that Chavit Singson was no. 1. I was expecting that a Christian and non-Mindanaoan would not fare that well in Mindanao...I would have expected that Kiram would have been the no. 1," ani Tamano.

Comelec mag-iimbestiga

Nakatakda namang imbestigahan ng komisyon ang dudang may dayaang nangyari sa Maguindanao kaya’t na-straight ng TU ang ‘magic 12’ senatorial slate.

"This is the first time I’ve heard of this so we will have to look at it," ani Commissioner Rene Sarmiento.

May dayaan - Namfrel

Sa panig ni National Movement for Free Elections (Namfrel) provincial chairman Hadji Abdullah Dalidig, posible umanong may dayaan talagang nangyari sa eleksyon sa Mindanao dahil sa biglang paglobo ng registered voters dito mula sa 275,572 botante noong 2004 elections na sumirit sa 396,772 rehistradong botante ngayon o 43% increase sa loob lang ng tatlong taon.

Ngunit agad ipinagtanggol ni Comelec Commissioner Florentino Tuason na hindi sapat na basehan ito para agad mag-conclude ng dayaan lalo’t kung ‘hearsay’ lamang at walang matibay na pruweba ang impormasyon.

Sinabi pa ni Tuason na susuriin nilang mabuti ang certificate of canvassing mula sa Maguindanao oras na makarating sa kanilang tanggapan.

Nasa’n ang pruweba?

Kahapon ay hinamon ni TU spokesman Ace Durano ang GO na maglabas ng ebidensyang magpapatunay na may dayaan sa 12-0 senatorial canvassing sa Maguindanao. Ngunit tiniyak ni Durano na susuportahan nila ang lahat ng pagsisikap na protektahan ang kasagraduhan ng balota.

Para naman kay House majority leader Prospero Nograles, kung sino man ang nagpoprotesta sa Maguindanao vote ay walang alam sa pulitika sa naturang lalawigan dahil simula pa umano noong pre-Marcos time ay bloc voting na ang umiiral dito.

Bilang tugon sa hamon, tiniyak ng mga kaalyado ng GO, tulad nina Senate minority leader Aquilino ‘Nene’ Pimentel Jr. at Sen. Rodolfo Biazon, biktima ng umano’y Dagdag-Bawas operation noong 2004 elections, na mangangalap sila ng matibay na pruweba upang masampahan ng kasong kriminal ang mga taong nasa likod ng dayaan.

DOJ chief tuloy ang pangako sa 12-0

Kaugnay ng kontrobersya sa 12-0 senatorial result, handa si Justice Sec. Raul Gonzalez na panindigan ang pagbibigay ng pangakong P10,000 sa bawat barangay chairman sa kanyang lalawigan sa Iloilo na makakapaghatid ng 12-0 victory para sa TU.

"Of course, I will give it to them. But we can’t say yet at the moment because we are still in the middle of counting of votes. I have not yet taken the complete result," anang kalihim. 

<BACK