|
Arestado na ang
limang pulis na natukoy na umano’y sumunog sa eskuwelahang
pinagbibilangan ng boto noong Martes ng madaling-araw sa Taysan,
Batangas.
Sa media briefing
kahapon sa Camp Crame, isinailalim na ni PNP-Director for
Investigation and Detective Management chief, Director Geary Barias
sa restricted custody sa Camp Vicente Lim, Laguna ang mga hindi pa
pinapangalanang pulis, isang may ranggong police inspector at pawang
police non commissioned officer o enlisted personnel na miyembro ng
Regional Special Operation Group (RSOG) na nakabase sa rehiyon.
Sa inisyal na
pagsisiyasat, lumilitaw umanong malapit o identified ang mga
inarestong pulis sa incumbent mayor ng Taysan, Batangas na si
Hernando Villena, base sa testimonya ng mga testigo na naispatan ang
mga ito sa kampo ng nasabing alkalde bago ang pangyayari at
nasangkot na rin sa mga insidente ng harassment sa lugar.
Ikinalungkot naman,
aniya, ng pamunuan ng PNP ang pagkakasangkot sa krimen ng mismong
mga operatiba nito kasabay ng paniniyak na walang mangyayaring
whitewash sa imbestigasyon ng binuong investigation task group sa
pangunguna ng Criminal Investigation and Detection Group.
Sa insidente, nasawi
sina Nelly Banaag, teacher na miyembro ng Board of Election
Inspectors at poll watcher na si Leticia Ramos.
Samantala kahapon din
ay ipinag-utos naman ng Malacañang sa Department of Budget and
Management (DBM) ang pagpapalabas ng P4 million para sa
rekonstruksyon ng sinunog na paaralan. Bibilhan din umano ng aklat
at mga computer ang nasabing paaralan, kung saan ang pondo ay
huhugutin mula sa calamity fund ng pamahalaan. |