|
Malalim ang sugat na
nilikha ng ‘Hello Garci’ scandal. Pero kung merong grabeng
napuruhan ito, walang iba kundi ang Commission on Elections (Comelec).
Hanggang
ngayon ay malaki ang pagdududa ng taumbayan sa kredibilidad ng
komisyon. Una, hindi magbabantay ng ganito ang taumbayan kung lubos
ang kanilang tiwala sa Comelec.
At ang mensaheng ito ang
nabasa ng media sa ginagawang pagtutok sa lahat ng uri ng bilangan.
Kahit ‘unofficial’, kita ang pagtitiwala ng tao. Kahit paano
kasi ay nagkaroon ng alternatibong napagkukunan ng impormasyon ang
taumbayan hinggil sa estado ng bilangan.
Kahit dalawang araw lang,
malaking bagay ang nagawa ng ‘unofficial, partial tally’ ng AMA
at STI na isinahimpapawid ng dalawang higanteng television networks
(GMA 7 at ABS-CBN 2).
Bagama’t inaasahan na
natin ang pagpalag ng mga kampo at partidong hindi napapaboran ng
resulta, hindi naman yata tama na papanaigin ang kanilang angal
dahil interes ng taumbayan ang higit na dapat pangibabawin.
Nakakagulat lang ang
mabilis na aksyon ng Comelec sa reklamo ng Team Unity (TU) at sa
hirit nito na ipatigil ang media count. Unang-una, mismong ang
Comelec ang nagbigay ng awtorisasyon sa AMA at STI para magsagawa ng
independenteng ‘quick count’. Ngayon ay sinasabi ni Comelec
Chairman Benjamin Abalos na ang counting lang ang awtorisado at
hindi ang pagsasapubliko nito. Hindi raw dapat naki-tie up sa mga
media networks ang dalawang leading computer schools.
Tanong: para saan ang
quick count ng AMA at STI kung hindi ito isasapubliko? Pangalawa,
bakit gayon kabilis kumilos si Abalos kapag ang TU na kaalyado ni
Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo ang nagreklamo? Bakit kapag ang
publiko, ang mga party list candidates at mga GO senatoriables ang
umangal ay dedma lang ang komisyuner at ang komisyon sa kabuuan?
Sa inaasal na ito ni
Abalos ay lalo lamang pumapangit ang imahe at sumasama ang
kredibilidad ng komisyon.
May impresyon na nga na
may kinikilingan ang Comelec, tapos ay ganito pa ang ipapakita ni
Abalos.
Dapat nga ay
magpakitang-gilas ang komisyon para unti-unting mabura ang mantsang
iniwan ng ‘Hello Garci’. At bilang pinuno ng Comelec, na dapat
ay isang independenteng sangay at tunay na ‘protektor’ ng
sagradong boto ng taumbayan, tungkulin nito sa sambayanan na maging
parehas, makatarungan at malaya sa lahat ng pagpapasya mula sa
impluwensya ninuman.
- end - |