|
Umapela kahapon si Mayor at United Opposition
(UNO) president Jejomar Binay kay newly-elected Chinese premier
Wen Jiabao na agad na suspendihin ang lahat ng nakabinbing transaksyon
ng China sa adminsitrasyong Arroyo.
Ang apela ni Binay ay nakapaloob sa isang liham na ipinadala sa
Chinese premier sa pamamagitan naman ni Ambassador Song Tao.
“We urge His Excellency to cause the immediate suspension
of all present dealings with President Macapagal-Arroyo and her
administration. We believe that a policy of temporary disengagement
by Chinese companies from the present Philippine leadership will
preserve the good standing and reputation of the People’s
Republic of China before the global community, and should likewise
further promote the good relations between our two countries,”
nakasaad sa sulat ni Binay.
Ayon sa UNO, kinikilala nito ang lahat ng naging tulong ng Chinese
government sa bansa subalit ang serye ng mga kontrobersya na sangkot
ang administrasyon at ang Chinese firms ay nagbigay daan para kuwestiyunin
ang kredibilidad ng mga malalaking proyekto.
“The administration of Mrs. Arroyo has been under severe pressure
lately in trying to answer charges of various corruption cases
that unfortunately, involve companies based in the People’s
Republic of China,” ayon pa kay Binay kung saan tinukoy nito
ang anomalya sa NBN Broadband project, Cyber-Education project at
North Rail and South Rail.
Inimpormahan din ni Binay ang Chinese premier na bagama’t
wala pang pormal na imbestigasyon sa nasabing mga katiwaliaan ay
mayroon nang “public perception of guilt” sa mga taong
sangkot dito pangunahin na si Pangulong Arroyo.
Pimentel nagbabala
Samantala, binalaan ni Senate Minority leader Aquilino ‘Nene’
Pimentel ang Malacañang laban sa posibleng illegal na
paggamit nito ng pondo para lamang maibsan ang epekto ng pagtaas
ng presyo ng mga pangunahing bilihin partikular ang presyo ng bigas.
Kaalinsunod ito sa pangakong binitiwan ng Pangulo na tulungan ang
mahihirap na maibsan ang epekto ng pagtataasan ng presyo ng pangunahing
bilihin sa pamamagitan na rin ng pamimigay ng “subsidy coupons”.
Ayon kay Pimentel, maaring maganda umano ang motibo o intensiyon
ng Pangulo sa pagtulong sa mga mahihirap na apektado ng kasalukuyang
krisis sa supply ng bigas at langis ngunit ang katanungan ay
kung ito’y ganap na maisasakatuparan dahil na rin sa usapin
ng pondo.
Partikular na kinuwestyon ng senador ay ang pahayag ng Pangulo na
pagkukunan nito ng pondo para sa ipapamahaging subsidy coupons ay
ang kita nito mula sa Malampaya natural gas at ang P130 bilyon coconut
levy funds.
Yap binatikos
Kaugnay nito, umani ng pagbatikos mula sa Pambansang Lakas ng Kilusang
Mamamalakaya ng Pilipinas (Pamalakaya) si Agriculture Secretary
Arthur Yap dahil sa panukala nito na gamitin ang Simbahang Katoliko
sa pagpapamudmod ng bigas.
Sinabi ni Fernando Hicap, national chair ng Pamalakaya na hindi
nakakatuwa ang gimik ni Yap dahil magmimistulang NFA warehouse at
trading post ng NFA rice ang mga simbahan, church institution at
mga parokya.
Gayunpaman, pabor naman si Lingayen-Dagupan Archbishop Oscar Cruz,
kilalang kritiko ni Pangulong Arroyo, na wala naman umanong masama
kung alukin siya ni Yap na magbenta ng NFA rice sa kanyang diocese.
“Bakit hindi kung makakatulong sa mga taong maralita,”
ani Cruz.
Palasyo nagpasaklolo sa NBI
Samantala, inatasan ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo si Presidential
Anti-Smuggling Group (PASG) Chief Antonio Villar na makipag-ugnayan
sa Nbational Bureau of Investigation sa isasagawang major operations
laban sa mga rice smugglers at hoarders ngayong linggo sa Visayas
at Mindanao.
Aminado ang Malacañang na maliban sa PASG ay malaki ang maitutulong
ng NBI sa pagsawata sa mga hoarders at rice smugglers partikular
yaong malalawak na ang koneksyon sa naturang ilegal na aktibidad.
Bubusiin din ng Department of Justice (DOJ) ang mga umano’y
anomalya sa likod ng hoarding at iba pang ilegal na aktibidad
na may kinalaman sa pagbebenta ng bigas, ayon kay Justice Secretary
Raul Gonzalez.
Sa kabilang dako, iginiit naman ng Pambansang Lakas ng Kilusang
Mamamalakaya ng Pilipinas (PAMALAKAYA) sa Senado at Mababang Kapulungan
ng Kongreso na imbestigahan ang inilaang P4.2 bilyon pondo para
sa Ginintuang Masaganang Ani (GMA) ng DA.
Ayon kay Gerry Corpuz, Spokesman ng PAMALAKAYA, ang naturang pondo
ay ginamit na pambili ng 407,000 sako ng hybrid rice seeds at 225,000
certified rice seeds noong nakaraang taon. (Tina Mendoza/Eralyn
Prado/Rose Miranda/Grace Velasco/Juliet de Loza)
|