Habang ginigiyera ng pamahalaan
ang mga rice hoarders at mga sangkot sa NFA rice rebagging, iginiit
kahapon ni Sen. Mar Roxas na dapat ding ilabas na ang calamity fund
ng mga local government units (LGUs) upang magamit sa mga programang
pansakahan bilang ‘immediate solution’ sa dinaranas
na krisis sa bigas.
Ito ay isa sa 4-point action plan na ipinanukala ng senador sa gitna
ng dinaranas na krisis sa bigas kasabay ng paghamon sa pamahalaan
na sana ay hindi propaganda o ‘pagpapapogi’ lamang ang
inisyal na aksyon ng pamahalaan na suspendehin ang dalawang opisyal
ng National Food Authority (NFA) sa Isabela na hinihinalang nakikipagsabwatan
sa mga tiwaling negosyante upang palitawin at ibenta bilang commercial
rice ang mga NFA rice sa pamamagitan ng pagpapalit-sako o rebagging.
Iginiit din ni Roxas na dapat na sundan ng pagsasampa ng mabigat
na kaso ang aksyong ito at patuloy na imbestigahan ang iba pang
nasasangkot na opisyal sa iba pang bahagi ng bansa.
Ikinatuwa rin ni Roxas ang para sa kanya’y kauna-unahang
pag-amin at pagharap ng Malacañang at ni Agriculture Sec.
Arthur Yap sa problemang dinaranas ng bansa.
“Sa wakas, kinikilala na din ni Sec. Yap na totoong may problema
sa supply ng bigas. Sa wakas, inaamin na nila na may diversion
ng NFA rice na nagaganap lalo na sa probinsya,” ani Roxas
matapos na ipanukala ng kalihim ang pagsasagawa ng ‘open house’
discussion kasama ang Kongreso upang bumalangkas ng mga posibleng
solusyon sa problema kahit pa umano masasabing ‘long overdue’
na ito.
Sa kanyang sariling opinyon, sinabi ng mambabatas na maganda
ang ginagawang pagbabantay at pag-usig sa mga rice hoarders at NFA
rice rebaggers ngunit hindi umano ito sapat para agad na mapataas
ang supply ng bigas na siyang problema ngayon ng bansa.
Kabilang sa 4-point action na inilatag ni Roxas ay ang: 1) agarang
pagpapalabas ng calamity fund ng mga LGUs upang maitapal sa pangangailangan
ng mga magsasaka tulad ng binhi, abono at pesticides na magreresulta
ng mas masaganang ani; 2) pag-eestablisa ng LGUs ng food security
early warning mechanism upang maiprayoridad ang mga bata at matatanda
sakaling magkaroon talaga ng krisis sa supply ng bigas; 3) muling
pagsusulong ng peace talks sa mga rebelde upang masaka ang mga bukirin
sa tinatawag na ‘conflict areas’; at 4) paglikha ng
special investigating at prosecutorial teams para tutukan, arestuhin
at usigin sa korte ang mga hoarders, profiteers, mga miyembro ng
rice cartel at ang nauusong NFA rice rebaggers.
Kaugnay nito, umalerto na rin ang Caloocan City Police sa mga reklamo
laban sa mga NFA rice rebaggers at profiteers sa lungsod.
Matapos makatanggap ng reklamo ay agad umaksyon ang lokal na pulisya
kung saan mismong ang mga opisyal nito ang rumiresponde at nagbeberipika
ng natatanggap na mga impormasyon.
Samantala, kinuwestyon naman ni Senate President Manny Villar
ang diumano’y overpriced na P8 bilyong irrigation project
ng pamahalaang sa taong ito. Kaduda-duda umano kung paano ginastos
ang napakalaking halaga sa iilang lupang sakahan na lamang sa bansa.
Wala umanong duda na mahalagang mapondohan ang pangangailangang
ito sa patubig ngunit base sa pag-aaral ni Villar ay lubhang mataas
ang halagang ito sa aktuwal na gastusin. At kung tunay umanong nagastos
sa tamang pinaglaanan ang pondo ay hindi magkakaroon ng krisis sa
bigas dahil sobra-sobra ang perang ito upang mapasigla ang ani ng
mga magsasaka.
Halos ganito rin ang sentimiyento ng mga militanteng magsasakang
nag-rally kahapon sa tapat ng NFA office.
Ayon sa Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP), ang kawalan ng konsensya
ng pamahalaan na mapangalagaan ang interes ng maliliit na magsasaka
at mamamayan ang tunay na ugat ng krisis sa bigas.
Mas pinaboran pa umano ng gobyerno ang mga dayuhan sa pamamagitan
ng pagtangkilik sa iniimportang bigas sa halip na patatagin ang
produksyon sa mga lupang sakahan.
Isa naman sa solusyon na inilatag ng KMP ay ang pagpapataas ng 25%
sa laang pondo ng pamahalaan para sa procurement o pagbili ng palay
mula sa mga magsasaka kaysa patuloy na paboran ang malawakang rice
importation.
|