www.abante-tonite.com
 
 
 
 
 
GABAY NG DIYOS

NERI PINUTAKTI
Nakaligtas man sa bombang mga tanong ng Senado si CHED Chairman Romulo Neri ay hindi naman ito nilubayan ng mga estudyante na naghahanap ng katotohanan. (Jhay Jalbuna)

PRICE CONTROL SA BIGAS!
Nina JULIET DE LOZA, NONNIE FERRIOL, ERALYN PRADO at BOYET JADULCO

 

Panahon na upang ipatupad ng pamahalaan ang ‘price control’ sa bigas upang maprotektahan ang interes ng sambayanan.


Ito ang iginiit kahapon ng militanteng grupong Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) bilang solusyon sa pinangangambahang pagsasamantala ng mga tiwaling negosyante sa dinaranas na krisis sa bigas.


Hinirit din ni KMP chairman Rafael Mariano na dapat na ilagay sa price ceiling na P25 kada kilo ang bigas dahil ito lamang ang kaya ng bulsa ng malaking populasyon ng bansa.


Kasabay nito, hiniling din ng grupo na itaas sa P15 kada kilo ang bilihan ng palay sa mga magsasaka mula sa dating P12/kilo upang maengganyo muli ang sektor na pasiglahin ang kanilang ani.


Kasabay nito, iginiit din ng KMP ang agarang pagpapaimbestiga kay Department of Agriculture (DA) Sec. Arthur Yap dahil naniniwala silang malaki ang kasalanan ng kalihim sa pagkakaroon ng rice shortage ngayon sa bansa. Nakahanda silang tapatan ito ng serye ng protesta hangga’t walang positibong tugon ang pamahalaan sa kanilang hiling.


Ilan sa mga paratang ng grupo ay ang pagpapabaya umano nito sa tungkulin tulad ng pagbalewala sa mga ulat na pagbebenta ng National Food Authority (NFA) rice bilang commercial rice sa mga lalawigan ng Isabela, Cagayan de Oro at Cebu bilang pakikipagsabwatan diumano sa mga tiwaling rice traders.


Sa panig naman ni Se­nate minority leader Aqui­lino Pimentel Jr., pinagpapaliwanag nito si Yap sa ulat na ang biyenan nitong si Jimmy Gaw ay nasa negosyo ng cereal distribution sa bansa.


Ito umano ay malinaw na ‘conflict of interest’ sa paghawak ni Yap sa posis­yon bilang kalihim ng DA.


Samantala, pinarerepaso ni House Speaker Prospero Nograles ang umiiral na Price Act upang patawan ng mas mabigat na parusa ang mga magsasamantalang negosyante sa presyo ng bigas at ma­ging sa mga produktong petrolyo.


“It’s time we revisit Republic Act 7581 or the Price Act to determine how to further discourage, if not totally end, illegal acts of manipulating the prices of any basic commodity especially during such time that government is dealing with the continuing rise in the prices of fuel and rice,” anang kongresista.


Mula sa Makati City, muling iginiit ni Mayor Jejomar Binay na dapat nang tapusin ng Malacañang ang pagsisinunga­ling at pagta­takip sa tunay na sitwasyon ng bigas sa pagsasabing ang kailangan ngayon ng bansa ay, “more rice, less lies.”


Isinisi pa nito na ma­laki ang papel sa problema ngayon ng bansa ng ginawang diversion ng P728 milyong fertilizer fund sa kampanya ng mga taga-administrasyon sa eleksyon.


May sinisisi rin si Ba­yan Muna party-list Rep. Satur Ocampo sa nangyayaring krisis sa bigas at ito ay ang implimentasyon ng Agriculture and Fishe­ries Modernization Act (AFMA).


Naging palpak umano ang gobyerno sa pagpapairal ng naturang batas dahil itinuon nito ang atensyon sa pagpapalakas ng export-oriented at import-dependent na uri ng agrikultura sa Pilipinas. Ang resulta: hindi na sapat ang sariling produksyon para sa panloob na pangangailangan at nakadepende na ang bansa sa produkto ng ibang bansa.


Bilang solusyon naman, naghain ng panukalang batas si Nueva Ecija Rep. Edno Joson, ang House Bill 794 o Rice Importation Privatization Act, na naglalayong isapribado ang pag-aangkat ng mga food products kasama na rito ang raw materials, equipment at pasilidad para sa pagmamanupaktura ng pagkain.


Sa ngayon ay ang NFA ang sumasaklaw sa kapangyarihan at tungkuling ito sa bias ng Presidential Decree 1770.

 
 
              Search for keyword
 
EXCHANGE RATE

 
Copyright © 2008, Monica Publishing Corporation. All Rights Reserved
designed and developed by:
MIS Section