www.abante-tonite.com
 
 
 
 
 
GABAY NG DIYOS

WOMAN OF STRENGTH
Si dating Pangulong Corazon Aquino sa ‘mass for truth’ kahapon sa UST. Ito ang kauna-unahang public appearance ng dating pangulo matapos ianunsyo ang pagkakaroon nito ng colon cancer. (Carlito Arenas)

SISIPA PA RIN KAMI! -- SENADO
Ni BOYET JADULCO

 

“Pinosasan man kami, sisipa pa rin kami!”


Ito ang tiniyak kahapon ni Sen. Alan Peter Cayetano, chairman ng Senate Blue Ribbon committee na pangunahing nag-iimbestiga sa NBN-ZTE deal, sa kabila ng pagtiklop ng Korte Suprema sa kapangyarihan ng Senado.
Naniniwala si Cayetano na hindi lang ang imbestigasyon sa kanseladong $329 milyong NBN-ZTE deal ang pinilay ng desisyon ng Supreme Court (SC) na pumapabor kay Commission on Higher Education (CHED) Chairman Romulo Neri na isangkalan ang ‘executive privilege’ sa pagtatanong ng mga senador upang kalkalin ang katotohanan.


Hindi pa nakuntento, binarahan din ng kataas-taasang hukuman ang ‘contempt powers’ ng Senado nang sabihin nitong kailangan munang ipalathala ng naturang kapulungan ang pinaiiral na regulasyon sa ginagawang legislative inquiries bago ito maging legal. Kabilang dito ang pagsasailalim sa ‘contempt’ ng mga imbitadong resource persons oras na tumanggi silang sumagot sa mga tanong o maglatag ng mga hinihinging impormasyon at magpaaresto sa mga nang-iisnab sa kanilang imbitasyon.


“Parang ang ginawa sa amin ng SC ‘puwede kang mag-drive pero invalid ang lisensya mo,” paglalarawan pa ng senador sa ibinabang desisyon ng Mataas na Hukuman.


Madidiskaril pero tuloy


Ngunit sa kabila nito, siniguro ni Cayetano na hindi isusuko ng Senado ang paghahanap ng katotohanan sa kabila ng malaking balakid na iniharang sa kanila ng SC.


Gayunpaman, inamin ng solon na madidiskaril ng SC ruling ang momentum ng NBN-ZTE probe dahil bibilang ng araw mula sa araw ng publikasyon bago muling maipatupad mga regulasyon ng Senado sa legislative inquiry.


Maging ang paghahain nila ng ‘motion for reconsideration’ na agad umano nilang ihahain ay masasabing magpapatulog din ng ilang panahon sa NBN-ZTE probe.


Pabor sa paghahain ng ‘motion for reconsideration’ ang co-chairman ng joint committee hearing na si Sen. Mar Roxas, chairman ng Senate committee on trade and commerce, bagama’t duda ito na mababaligtad pa o mababago pa ang desisyon dahil sa malaking agwat ng botong 9-6 (pabor sa executive privilege invocation) at 10-5 (para sa pag-ipit sa contempt powers ng Senado).


Ngunit mabago man o hindi ang SC ruling, nakatitiyak si Roxas na lalong magliliyab ang bakbakan sa pagitan ng Malacañang at Senado dahil hindi sila kailanman tutupi sa ganitong uri ng mga panggigipit.


Sa panig ni Sen. Rodolfo Biazon, klaripikasyon umano sa desisyon ng Korte Suprema ang dapat na hingin ng Senado.


“It is important that clarifications be made that this Supreme Court ruling will not provide a shield for wrongdoings by government officials,” pagdidiin ni Biazon.


Ayon sa senador, kailangang liwanagin ng SC kung sino lamang ang maaaring gumamit ng executive privilege at kung may gumamit man nito, bukod kay Neri, ay anong proseso ang dapat sundin.


Kamara naalarma rin


Samantala, hindi lamang ang Senado ang naalarma kundi pati na ang Kamara sa ginawang pagtiklop ng hudikatura sa congressional powers dahil ito’y paglabag diumano sa ‘separation and equality of powers’ ng tatlong sangay ng pamahalaan (lehislatibo o Kongreso, hudikatura o korte at ehekutibo o Malacañang, gabinete at LGUs).


Nagbabala pa si administration Cong. Antonio Cuenco na maaaring lumikha ng constitutional crisis kung hindi maliliwanagan ang tunay na implikasyon ng SC ruling sa usaping ito.


Nangangamba rin ang kongresistang kapanalig ng Malacañang na isang “dangerous precedent” ang desisyong ito ng kataas-taasang hukuman na nagtatapyas sa kapangyarihan ng Kongreso.


GMA, untouchable na


Ayon naman kay Bayan Muna party-list Rep. Teddy Casiño na malinaw ang implikasyon ng desisyon ng Korte Suprema dahil ginawa umano nitong “virtually untouchable and unaccountable to Congress and the people” si Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo na siyang tunay na pinoprotektahan ng ‘executive privilege’ na isinasangkalan ni Neri.


Ngunit may ibang pananaw si Pampanga Auxilliary Bishop Pablo David dahil kung magiging mapamaraan ang mga senador ay hindi magiging balakid ang SC ruling sa imbestigasyon.


Sa halip, dapat umano itong magsilbing hamon sa kahusayan ng mga mambabatas na mapalutang ang katotohanan sa pamamagitan ng tamang estratehiya at uri ng mga tanong.


Compromise deal ng palasyo


Nag-alok naman ng ‘compromise deal’ ang Malacañang sa mga senador upang humupa ang tensyong nilikha ng SC ruling na pumapabor sa kanila.


Ayon kay Executive Sec. Eduardo Ermita, payag silang makipag-usap sa mga senador para bumuo ng mga bagong ‘ground rules’ na paiiralin sa mga congressional hearings at inquiries kung saan ang karaniwang ipinatatawag ay mga miyembro ng executive branch. (With Eralyn Prado/Juliet de Loza/Rose Miranda)

 

 
 
              Search for keyword
 
EXCHANGE RATE

 
Copyright © 2008, Monica Publishing Corporation. All Rights Reserved
designed and developed by:
MIS Section