www.abante-tonite.com
 
 
 
 
 
GABAY NG DIYOS

MATUMAL
Parehong hindi masaya ang mga nagtitinda at namimili ng bigas. Ang una, dahil matumal ang benta dala ng pagsirit ng presyo at ang huli naman, dahil hindi na kayang bilhin sa napakataas na halaga ang pangunahing pagkain. (Rusty Roman)

SENADO KINAPON NG KORTE SUPREMA
Nina BOYET JADULCO, GRACE VELASCO at ROSE MIRANDA

 

Hindi lang basta pumanig sa legalidad ng ‘exe­cutive privilege’ na ini-invoke ni CHED Chairman Romulo Neri ang Korte Suprema kundi tiniklop pa nito ang kapangyarihan ng Senado sa ginagawa nitong mga im­bestigasyon.

Halos buong Senado ay nadismaya sa pasya ng Supreme Court (SC) sa kontro­bersyal na petis­yon ni Neri kaugnay ng ginaga­wang imbestigas­yon sa kanseladongNational Broadband Network (NBN)-ZTE deal.

“Terrible decision. Unprecedented. Would really emasculate Senate’s investigative function,” reaksyon ni Senate minority leader Aquilino Pimentel Jr. sa ibinabang desisyon kahapon ng kataas-taasang hukuman.

Para naman kay Senate majority leader Francis ‘Kiko’ Pangilinan, naging bulag umano ang mayorya ng kataas-taasang hukuman sa kanilang desisyong nagkakait sa simpleng karapatan ng taumbayan na malaman ang katotohanan sa likod ng NBN-ZTE deal at ang kaugnayan o naging papel dito ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo.

“Simple lang ang usapin, karapatan ng taumbayan na malaman kung ano ang ginawa ng kanilang Pangulo nang malaman niya na may iregularidad ang kontrata. Karapatan ng taumbayang malaman kung legal o ilegal ba ang ginawa ng kanilang Pangulo sa nasabing usapin. Nakalulungkot na hindi ito nakita ng mayorya sa Korte Suprema,” diin ni Pangilinan.

Dismayado rin si Senate President Manny Villar na tulad ni Pangilinan ay nalungkot sa pasya ng SC dahil ipinagkait umano nito ang katotohanan sa taumbayan.
“Ito ay nakakalungkot. Ang desisyon ng Supreme Court sa kaso ni Neri ay makasaysayang bahid sa pinahahalagahang demokrasya, katotohanan at hustisya,” ani Villar.

Ngunit sinabi rin nitong, “Inirerespeto natin ang desisyon ng SC pero kailangan nating ipunto na ang inawat nila na tatlong tanong para kay Neri ay mga tanong na mismong nasa isipan ng sambayanan.”

Hindi rin sang-ayon si Sen. Mar Roxas sa desisyon ng mayoryang mahistrado ng SC, “We respect the decision of the Supreme Court though we disagree with it and maintain that the principle of executive privilege should not be applied to conceal the truth about an anomalous public transaction.”

“Without denigrating the earlier consensus of my colleagues, I still feel it would have been wiser to have accepted the compromise offer of the Supreme Court and have Neri face the Senate earlier,” hirit naman nito hinggil sa posisyon niya noon na tanggapin na ang alok ng mga mahistrado na ituloy na muna ang imbestigasyon at ipunin ang mga tanong na babarahan ni Neri ng ‘executive privilege’.

Sa hanay ng mga nakapanayam na senador, tanging si Sen. Joker Arroyo lamang ang nagsabing ‘tama’ ang pasya ng SC at ito’y pagpapakita lamang umano ng ‘judicial statesmanship’ sa hanay ng nakakaraming mahistrado na pumabor sa legalidad ng ‘executive privilege’ invocation ni Neri.

9-6 SC decision

Nahati ang 15 mahistrado ng Mataas na Hukuman kung saan nangingibabaw ang siyam na bumotong legal at tama lamang ang paggamit ni Neri sa executive privilege.

Sa desisyong isinulat ni Associate Justice Teresita Leonardo-De Castro, naniniwala ang mayorya na sakop ng executive privilege ang tatlong tanong na pilit na pinasasagot ng mga senador kay Neri.

Kabilang dito ang tanong 1) kung inatasan pa ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo si Neri, na noon ay pinuno ng NEDA, na unahin o gawing priority ang NBN-ZTE project; 2) kung ipinag-utos ba nito na aprubahan ang proyekto; at 3) kung ano ang mga sumunod na instructions ng Pangulo matapos na ipagtapat ni Neri ang tungkol sa umano’y panunuhol sa kanya ni dating Comelec Chairman Benjamin Abalos.

“They are all privileged communications between the President and Secretary Neri, dealing with certain diplomatic relations being at risk,” paliwanag ni Atty. Midas Marquez, tagapagsalita ng SC.

Ayon pa kay Marquez, mayroon pang mga opinyon ang ilang mahistrado na ang tatlong tanong ay hindi naman maituturing na “in aid of legislation” tulad ng iginigiit ng mga senador.

Kumbinsido rin ang mas nakakaraming mahistrado na hindi ginamit ang executive privilege upang pagtakpan ang anumang krimen na maaaring sangkot sa nasabing kontratang pinasok ng gobyerno.

Nilinaw naman ni Marquez na maaari pa ring ituloy ng Senado ang pagdinig nito at maaari pa ring imbitahan si Neri subalit hindi na nila ito mapipilit na sagutin pa ng kalihim ang tatlong nabanggit na mga tanong.

Ang desisyon ng Mataas na Hukuman ay limitado lamang sa tatlong tanong at hindi sa iba pang katanungan na maituturing na hindi kalinya o kakategorya ng nasabing mga tanong.

Contempt powers ng Senado nilusaw

Ipinaloob din sa desisyon ng SC na maging ang pagpapaaresto ng Senado kay Neri alinsunod sa contempt powers nito ay pinawawalang-bisa.

Sa botong 10-5 ay iginiit ng mga mahistrado na nagkaroon ng grave abuse of discretion sa panig ng Senado nang magpalabas ito ng arrest order laban kay Neri gayong ang Senate rules na pinagbasehan nito ay hindi naman naisapubliko o nailathala sa isang pahayagang may ‘general circulation’.

“There were no sufficient public rules by the Senate because the rules were never published. Therefore, all orders of contempt and arrest orders are void. That’s the majority opinion,” wika ni Marquez.

Bunga nito, hangga’t hindi nakakatugon sa publication requirement ang nasabing alituntunin ay maituturing na walang ngipin ang Senado sa pagpapaaresto o ‘di kaya ay pagpapataw ng contempt sa sinuman na ayaw dumalo sa kanilang pagdinig o tatangging sumagot sa kanilang mga katanungan.

Brion, sali sa botohan; Puno, dinaig ng mayorya

Bagama’t may ilang mga tumutuligsa, sumali pa rin sa botohan ang bagong talagang mahistrado na si Associate Justice Arturo Brion at sa katunayan ay isa siya sa mga pumabor sa petisyon ni Neri.

Kabilang pa sa mga sumang-ayon sa ponencia ni De Castro ay sina Associate Justices Leonardo Quisumbing, Renato Corona, Dante Tinga, Presbitero Velasco, Eduardo Nachura, Ruben Reyes at Minita Chico-Nazario.

Sa kabilang dako, hindi naman nanaig ang opinyon ni Chief Justice Reynato Puno na isinulat nito sa 120-pahinang dissenting opinion kung saan iginiit nitong mandato ng Senado na magsagawa ng legislative inquiries alinsunod sa Article VI, Section 21 ng Konstitusyon.

“When there is abuse of power by any of the branches, there is no victor, for a distortion of power works to the detriment of the whole government, which is constitutionally designed to function as an organic whole,” nakasaad sa dissenting opinion ni Puno.

Kasama ni Puno bilang dissenters sina Associate Justices Antonio Carpio, Adolf Azcuna, Consuelo Ynares-Santiago, Conchita Carpio-Morales at Alicia Austria-Martinez.

Tuloy ang NBN-ZTE probe

Sa kabila naman ng pagkatalong ito sa Korte Suprema, tiniyak ni Sen. Alan Peter Cayetano, chairman ng Senate Blue Ribbon committee, na magpapatuloy pa rin ang paghahanap nila ng katotohanan sa likod ng maalingasngas na broadband project na hanggang ngayon ay pilit pa rin umanong hinaharang ng Malacañang.

“Search for the whole truth must and will continue,” anang senador na nagsabing kailangan muna nilang mabasa ang kabuuan ng desisyon bago nila ihayag ang susunod na hakbang.

Naniniwala rin si Pangilinan na bilang co-equal branch ay maaari pa ring igiit ng Senado sa SC ang kapangyarihan nito sa mga ‘legislative matters’.

Palasyo nagdiwang

Nagpiyesta naman ang Malacañang sa desisyon ng SC kahapon na pumapanig sa petisyon ni Neri.

Sinabi ni Press Sec. Ignacio Bunye na umaasa sila na tatanggapin din ng Senado ang nasabing desisyon at papayag na makipagkasundo sa ehekutibo para matiyak na hindi mababastos ang karapatan ng mga iimbitahang resource persons sa bawat pagdinig.

“We respect the decision of the Supreme Court... We hope that, looking forward, the Senate and the Executive can work out mutually acceptable rules on appearances in Senate inquiries in aid of legislation, which will guarantee the rights of resource persons and parties affected by congressional hearings, as stipulated by the Constitution,” ani Bunye.

Itinanggi rin ng palasyo ang insinuwasyon na inimpluwensyahan nila ang kataas-taasang hukuman para paboran ang petisyon ni Neri.


 
 
              Search for keyword
 
EXCHANGE RATE

 
Copyright © 2008, Monica Publishing Corporation. All Rights Reserved
designed and developed by:
MIS Section