www.abante-tonite.com
 
 
 
 
 
GABAY NG DIYOS

BONDING NG MAG-AMA
Kahit sa harap ng media ay hindi maitago ni World Champ Manny Pacquiao ang pananabik sa anak sa pagdating kahapon sa Centennial Airport. (John Paulino)

Palasyo sa taumbayan
MAGTIPID NGA KAYO SA KANIN!
Nina ROSE MIRANDA, BOYET JADULCO, CHRISTINE AGUS,
ERALYN PRADO, BELL DESOLO at NOEL ABUEL

 

Hindi dapat magsayang ng pangunahing butil upang makaiwas sa sinasabing nakaumang na problema sa bigas.


Ito ang isa sa mga solusyong itinutulak ng Malacañang sa nasabing problema bagama’t pinaninindigan pa rin nito na walang krisis sa supply ng naturang butil.


“Siguro, dapat ang ating mga kababayan ay dapat maging impormado na may problema tayo kung kaya kailangan na dapat ay ubusin ang nasa pinggan at huwag magtira,” ani deputy presidential spokesman Lorelei Fajardo sa isang panayam kahapon sa radyo.


Suporta pa rin ito sa nauna nang pagsang-ayon ng palasyo sa ulat ni Agriculture Sec. Arthur Yap na 30% ng inihahaing kanin sa hapag-kainan sa bawat tahanan at maging sa mga restaurant at fastfood chains ay natatapon lang sa basurahan.


Binigyan-diin ng palasyo na hindi dapat takaw-mata ang mga kababayan upang hindi magkaroon ng kakapusan ng supply ng bigas sa hinaharap.


Ngunit binigyan-diin ni Senate President Manny Villar na, “Hindi ang nasasayang na kanin sa bawat mesa ang problema kundi ang palay na nauubos sa lansangan kung saan pinatutuyo ang mga ito. Ang deperensya ay wala sa kinaugalian nating pagkain kundi ang maling prayoridad ng gobyerno.”


Ipinunto ng senador na kung mayroong tamang pasilidad na ipinagagawa ang pamahalaan para magsilbing bilaran o patuyuan ng palay ay walang masasayang na ani.


Takipan pa rin!


Sa panig naman ni Sen. Mar Roxas, chairman ng Senate committee on trade and commerce, patuloy nitong binabatikos ang pamahalaang Arroyo sa ginagawang pagtatakip sa nakaambang rice shortage sa bansa sa pamamagitan ng pambobola sa taumbayan sa anyo ng propaganda.


Sinegundahan din ni Roxas ang teyorya ni Villar na hindi pinaprayoridad ng gobyerno ang pagpapalago sa agricultural products.


Binakbakan din ni Roxas ang linya ng Malacañang na walang problema sa supply ng bigas habang ipinauunawa sa publiko na hindi maiiwasang tumaas ang presyo nito. “Ibig sabihin ay policy na ng gobyerno na pataasin, gawing mas mahal ang bigas,” anang senador.


Tiba-tiba


Sa panig nina Sen. Francis ‘Chiz’ Escudero at Rep. Jose Solis, hindi lamang ang nakaambang krisis sa supply ng bigas ang pinangangambahan ng mga ito kundi higit ay ang pagsasamantala ng ilan sa problema.


Kahit ngayong may sapat pang imbak ng bigas ay pahirapan na umanong makakuha ng supply ang maliliit na retailers kung saan maging sa National Food Authority (NFA) ay hindi na basta-basta nakakabili.


P30 pataas na


Kinumpirma kahapon ng ilang rice dealers at retailers sa Metro Manila na hindi na bumababa sa P30 kada kilo ang presyo ng bigas at ito ay presyong kuha nila at papatungan pa kapag ibinenta sa publiko.


“Kawawa po ang ilang bumibili na hindi kasya ang pera nila. ‘Yung iba nakikiusap na ibaba ang presyo pero wala po kaming magagawa talaga,” ani Aling Rufina Sarmenta, rice dealer sa Blumentritt St., Manila.


Sa isang kalapit na NFA-accredited rice dealer, wala na ring tig-P22 hanggang P25 kada kilo na bigas at ayon sa nagbabantay dito, hinihintay pa umano nila ang susunod na delivery at walang kasiguruhan kung magkano na ito bawat kilo.


Nagbabala naman si Sen. Juan Miguel Zubiri na maaaring sumampa pa sa P40 bawat kilo ang presyo ng ordinaryong bigas kung hindi mapupunan ng Department of Agriculture ang rice shortage sa bansa.


Basagin ang kartel


Kaugnay nito, iginiit ni Bayan Muna party-list Rep. Satur Ocampo ang agarang pagbuwag sa rice cartel sa Pilipinas bilang isa sa epektibong solusyon sa problema.


Bukod sa seryosong pagbasag sa kartel, kailangan din umanong palakasin ang procurement capacity ng NFA at dagdagan ang ‘farmgate prices’ ng palay.


Si Palawan Rep. Abraham Mitra, sa kabilang dako, ay nagmungkahing obligahin ng pamahalaan ang top 100 corporations sa bansa na magtanim ng palay para sa konsumo ng kanilang mga empleyado at pamilya ng mga ito.


Rice coupons


Mula sa DA, sinabi ni Sec. Yap na handa umano ang pamahalaan na sumaklolo sa mahihirap na pamilyang hindi na kayang bumili ng bigas dahil sa lumolobong presyo nito.


Nakikipag-ugnayan na umano ang kanyang tanggapan sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) na siyang mangangasiwa sa pamamahagi ng rice coupons at food stamps sa mga mahihirap na pamilya. Ang mga kupon at stamp ay magagamit umano sa mga government-authorized food outlets upang ipalit ng bigas at pagkain.

 
 
              Search for keyword
 
EXCHANGE RATE

 
Copyright © 2008, Monica Publishing Corporation. All Rights Reserved
designed and developed by:
MIS Section