www.abante-tonite.com
 
 
 

Pera ni Yeng, nilulustay ng ama?

(REY PUMALOY)

 

IPINAGTANGGOL ni Yeng Constantino ang kanyang ama na inaakusahan ngayon na naglulustay ng kanyang salapi. Sabi sa tsismis, wala raw pakialam ang tatay ni Yeng kung gumastos, kaya si Yeng ngayon ay halos hindi na natutulog sa kakakayod?


May mga manunulat din na nagtataka, na hanggang ngayon ay hindi pa rin natatapos ni Yeng ang ipinapagawa niyang bahay, samantalang milyones naman ang kinikita niya, dahil sa sangka­tutak na raket.


“Mahal po talaga ang mga materyales ngayon sa pagpapagawa ng bahay.

Atsaka, ako po mismo ang may gusto na ganito ang design sa bahay namin, kaya medyo napamahal.


“Mabuti nga at nandiyan ang father ko na tumututok sa lahat. Na kahit hu­ling sentimo eh, napupunta sa ipinapagawa naming bahay,” sabi ni Yeng.


Ikinuwento ni Yeng na hindi lang naman ang bahay na ipinapagawa nila ang pinagkakagastusan niya. Nandiyan ang pagpapaaral sa kanyang kapatid at mga kamag-anak.


“Hindi naman po ako nagrereklamo sa pagtulong ko sa kanila. At hindi rin ako nagmamadali na matapos ang ipinapagawa naming bahay.”


Sa Mayo nga pala ay magbubukas na muli ang Pinoy Dream Academy Season 2. Si Yeng ang winner sa PDA 1.


At hanggang ngayon ay tinatanaw niya na malaking utang na loob sa ABS CBN ang tagumpay na nararanasan niya ngayon.


At may payo rin si Yeng sa mga susunod na sasali sa PDA.


“Once in a lifetime experience lang ‘yan kaya dapat itodo na nilang lahat ang nalalaman nila. Ipakita nila na kaya nilang gawin ang inaasahan sa kanila.


“At siyempre, mas maganda kung makikinig sila sa mga teachers na nagtuturo sa kanila. At higit sa lahat, dapat maniwala sila sa kakayahan nila, at lalung-lalo na sa Diyos,” sabi na lang ni Yeng.


 
 
              Search for keyword
 
EXCHANGE RATE

 
Copyright © 2008, Monica Publishing Corporation. All Rights Reserved
designed and developed by:
MIS Section