www.abante-tonite.com
 
 
 
 
 
GABAY NG DIYOS

SALUBONG!
Ang batang babae na gumanap na anghel na may taling lubid mula sa tulay ang nag-tanggal ng talukbong ng Virgin Mary sa ginanap na pagdiriwang ng Easter Sunday sa Santo Domingo church sa Quezon City. (AP Photo)

  • 'TONGPATS' PALALA SA RICE CRISIS!
  • 'Bike protest' suportado ng 3 Obispo
  • P500 allowance sa government employees
  • DOH nagbabala vs summer diseases
  • Magkaisa sa Spratlys
  • ‘TONGPATS’ PALALA SA RICE CRISIS!
    Nina Eralyn Prado at Rose Miranda

     

    Pinaniniwalaan na ang pa­ngongomisyon o ‘tongpats’ ng ilang tiwalin­g opis­yal ng National Food Authority (NFA) ang siyang higit na nagpapahirap sa kinakaharap na krisis sa suplay ng bigas sa bansa.


    Ito ay kasunod sa pagbubunyag kahapon ni Senate Minority Leader Aquilino ‘Nene’ Pimentel ang umano’y katiwalian at pagsasamantala ng ilang mga opisyal ng NFA sa gitna ng krisis sa bigas na kinakaharap ng bansa.


    Ayon kay Pimentel, isang impormasyon ang kanyang nakalap na sa halip bumili ng palay sa mga magsasaka para sa sapat na supply ng bigas mas pinili umano ng ilang mga tiwa­ling opisyal ng NFA ang umangkat dahil sa malaking komisyon umano na nakukuha ng mga ito.


    Hindi naman pinangala­nan ng senador ang tinutukoy nitong mga tiwa­ling NFA officials sa halip kinalampag nito si Agriculture Secretary Arthur C. Yap na aksyunan ang naturang katiwaliang ito sa loob ng NFA.


    Kung ayaw umano ni Yap na siya’y akusahan ng ‘cover up’ ay dapat lamang na agad itong kumilos upang matukoy at maparusahan ang mga sangkot sa naturang katiwalain.


    Idinagdag pa ng senador na hindi umano dapat na patulog-tulog sa “pansitan” si Yap lalo na’t nalalagay na sa krisis ang bansa.


    Samantala, naniniwala naman si Senador Loren Legarda na kaguluhan ang nakaumang oras na hindi mabilis ang pagkilos ng pamahalaan sa nararanasang krisis sa bigas.


    Sensitibo umanong commodities ang palay kung kaya’t hindi umano maaring magkaroon ng krisis o kakapusan ng supply dito.


    Mahalaga umano ibuhos na ng pamahalaan ang pondo nito sa Agricultural and Fisheries Mo­dernization Act (AFMA) upang makatulong sa DA sa pagharap nito sa rice crisis sa bansa.


    Palasyo nakiusap


    Sa kabilang dako, nakiusap kahapon ang Malacañang sa oposisyon na huwag palubugin ang administrasyon ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo tulad ng isang barko na aniya’y dapat na tapalan ang butas.


    Ginawa ng Palasyo ang pahayag matapos ang prediksyon ng oposisyon at mga militanteng kilusan na higit na delubyo ang kakaharapin ni Pangulong Arroyo dahil sa krisis sa bigas. Bukod dito ay nagbabala din si opposition Senator Panfilo Lacson na ngayong tapos na ang Semana Santa ay bubuhayin nilang muli ang resignation call laban sa chief executive.


    Nang matanong dito, sinabi ni Presidential Ma­nagement Staff (PMS) chief, Secretary Cerge Remonde na hindi “mala-Kristiyano” ang nasabing pahayag mula sa kanilang mga kritiko partikular ang pagnanais na mapasama pa ang imahe ng administrasyon dahil sa kasalukuyang pagtaas sa presyo ng bigas at gasolina pandaigdigang pamilihan.


    “We only have one ship of state. If that ship has holes, we should all help to plug them instead of crea­ting more holes,” ani Remonde sa text message.


    Aniya, ang usapin sa presyo at supply ng bigas ay problema rin ng lahat, maging ng oposisyon kung kaya umaasa umano sila na magiging responsable ang mga ito at magkukusang tumulong upang masolus­yunan ang usapin.


    Nauna nang pinabulaanan ng pamahalaan na may krisis sa bigas ngunit inamin ni Pangulong Arroyo na magkakaroon ng pagtaas sa presyo ng bigas sa hinaharap.

     
     
                  Search for keyword
     
    EXCHANGE RATE

     
    Copyright © 2008, Monica Publishing Corporation. All Rights Reserved
    designed and developed by:
    MIS Section