Lalarga na bukas ang national women’s
football team upang sumabak sa ikalawang round ng Asian Women’s
Cup sa Marso 24 sa Nakhon Ratchashima, Thailand.
Ang mga Pinay booters ay sasalang sa 4-nation single-round tournament,
na gaganapin sa His Majesty the King’s 80th Anniversary
Football Stadium, kung saan dalawang slots ang pag-aagawan para
sa Asian Women’s Cup.
“We don’t expect any miracles. But this doesn’t
mean we won’t be out there fighting. Definitely, this won’t
be a vacation for the girls,” ani head coach Hans Smit.
Aminado naman si Smit na hindi magiging madali ang laban ng team
lalo pa’t walang pang isang buwan ang pagkakabuo ng kanilang
lineup dahil na rin sa komitment ng mga manlalaro nilang UAAP varsity
habang ang iba nilang booters ay mula sa kani-kanilang overseas
stints.
“This is no excuse but the reality we have to deal with,”
dagdag pa ng La Salle mentor, na ang huling international coaching
venture sa RP squad ay noong 2004 Asian Under-19 tournament sa China.
Kahit mga baguhan ang karamihan sa kanyang roster, umaasa pa rin
si Smit sa pagbandera ng kanyang veteran core na kinabibilangan
nina strikers Edna Agravante at Fil-Am Angie Empelido, midfielders
Natasha Alquiros, Merlou Albano, Marielle Benitez, Samantha Nierras
at defender Josephine Luto.
Kabilang naman sa mga overseas reinforcement ng team si Filipino-Canadian
defender Mallory Dayot, miyembro ng RP squad na nagpabagsak sa Hong
Kong sa unang round noong Oktubre 2007.
Agad na masusubukan ang kakayahan ng Nationals kontra Asian soccer
powerhouse South Korea sa Marso 24, kasunod ang host Thailand sa
Marso 26, at pinakahuli ang Malaysian team sa Marso 28.
“We hope to limit South Korea’s goals to a minimum and
hopefully launch some counterattacks of our own. The same with the
Thais. I believe we can beat Malaysia,” pahayag ni Smit sa
gagamitin nilang overall game plan.
|