GABAY NG DIYOS

Celtics binutata ang Rockets


HOUSTON (AP) --- Hindi pumapasok ang mga tira, nag-domina ang pambato ng Boston, at napigtas ang 22-game winning streak ng Houston Rockets.


Kinapos ng gasolina ang Rockets sa pakikipagtipan nila sa Boston kamakalawa ng gabi, at hanggang doon na lang ang pamamayagpag ng kanilang NBA second-longest winning streak.


Ang 22 puntos ni Ke­vin Garnett na inayudahan ng 20 ni Paul Pierce ang sinandalan ng Celtics para busalan ang Rockets, 94-74. Ito ang ikalawang talo ng Houston sa 28 laro.


Wala si All-Star guard Ray Allen para sa Cel­tics dahil sa pamamagal ng kaliwang paa, pero uma­lagwa si reserve Leon Powe sa kinamadang 21 points.


May 15 points si Luis Scola para sa Houston, natalo sa unang pagkakataon sa loob ng 11 games sapul nang mawala si Yao Ming dahil sa foot injury.


Nagpakawala ng eight assists at pitong rebounds si Tracy McGrady pero hanggang walong puntos lang ang naiambag sa likod ng 4-of-11 shooting.


Tabla sa 40 ang iskor sa halftime, at pagpasok ng third ay tumira ng jumper si Garnett na sinundan ng 3-pointer ni Pierce para pasi­mulan ang 18-5 run. Walo sa unang sampung tira ng Rockets sa second half ay sumablay.


May 3:18 pa sa third, nag-drive si Tony Allen mula sa baseline at sabay tinalunan nina McGrady at Scola. Nasupalpal ni McGrady ang bola pero nahataw ni Scola si Allen na sumadsad at nanatili ng ilang minuto sa lapag.


Tinawagan ng flagrant foul si Scola, at pagtayo ni Allen ay naipasok ang dalawang charity shots para iangat ang Boston, 64-52.


Sa decisive quarter, 7-for-16 sa floor ang Houston at may anim na turnovers pa kaya nagawang iakyat ng Celtics sa 20 ang kalamangan sa kaagahan ng fourth.


Unti-unti nang naglabasan ang mga fans ng Rockets nang ilabas si McGrady 8:45 pa sa fourth. Pagpasok ng 2:09, isang one-handed driving dunk ni Garnett ang tuluyang nagpalupaypay sa Houston.


Tabla na ang Houston at LA Lakers, tinalo nila noong Linggo, sa first place sa Western Conference.


Sa Dallas, muntik maglaho ang 25 puntos na lamang ng Los Angeles Lakers, pero naitakas pa rin ang 100-102 panalo kontra Dallas.


 
 
              Search for keyword
 
EXCHANGE RATE

 
Copyright © 2008, Monica Publishing Corporation. All Rights Reserved
designed and developed by:
MIS Section