ASTANA, Kazakhstan --- Rumatsada
ng come-from-behind victory si Orlando Tacuyan Jr., at malinis namang
dinispatsa ni Godfrey Castro ang nakaharap sa pagpapatuloy ng final
AIBA Olympic Boxing Qualifying Tournament sa Sports Palace dito
Martes ng gabi.
Nagpatama ng tatlong matitinding hit ang 19-anyos na si Tacuyan
sa huling 10 seconds para itakas ang 14-13 pananaig kontra kay Chung
Chun-an ng Taiwan.
Pinatunayan naman ni Castro na karapat-dapat siyang maging last-minute
replacement kay Violito Payla nang kumbinsidong paluhurin si Glesidin
Saliev ng Kyrgiztan tungo sa 29-9 panalo.
Pinalitan ni Castro si Payla limang araw bago tumulak patungong
Kazakhstan ang RP SMART-PLDT boxing team.
Bahagyang nalambungan ang kambal na panalo dahil sa bugbog
na inabot ni light flyweight Delfin Boholst mula sa mga kamao ni
Mongolian Uranchimeg Munkh-Erdene. Talo si Boholst, 25-14.
Naghahabol sa 10-12 ang kaliweteng si Tacuyan pagkatapos ng
tatlong rounds, at baon pa din sa 11-13 papasok ng final minute
ng four-round bout.
Hindi pa naintindihan ni Tacuyan ang senyas ni head coach Pat Gaspi
sa Blue Corner, inakala ng boksingero na lamang siya ng dalawang
puntos kaya biglang sinayawan palayo ang Taiwanese.
Dahil sa sigaw ng crowd at mga teammates para umatake, naisip ni
Tacuyan na kailangan niyang umiskor ng mas maraming puntos para
manalo.
Sa papaubos na sandali, ibinigay na ni Tacuyan lahat ng nalalabing
lakas. Nagtangkang umatras ang Taiwanese pero inabot ng tatlong
malalakas na kaliwa sa mukha kasunod ng pagtunog ng final bell.
Umaasa si Lopez na magtutuloy-tuloy ang magandang ipinapakita
ng RP SMART-PLDT team kasunod ng dalawang malaking panalo.
Bagama’t kinailangan ni Tacuyan ng ‘great escape’
para umabante sa quarterfinals laban kay Kim Won Duk ng North
Korea sa Last 8, pinupog naman ni Castro si Daliev.
Nalamog ang mukha at katawan ng Kyrgiztan fighter sa mga solidong
kaliwa’t kanang kumbinasyon ni Castro para sa matikas na panalo
tungo sa pakikipagtipan kay Taiwanese Liu Shi-jung sa quarterfinals.
Tinalo ni Won si Indonesian Arenaldo Moniaga habang nilaktawan naman
ni Liu si Rouholla Bakshian ng Iran.
Ibinuhos ni Boholst ang lakas sa unang dalawang rounds pero nanghina
sa atake ng agresibong si Munkh-Erdene. Sinamahan ni Boholst na
manonood na lang sa sidelines ang teammate na si Joan Tipon.
Ang top bet ng bansa na si Tipon ang unang napa-exit dahil sa nakapanlulumong
30-8 pagkatalo kay H. Todjivayev ng Uzbekistan noong Lunes.
Nasungkit ng RP SMART-PLDT team ang first quarters berth sa likod
ng malaking panalo ni lightweight Genebert Basadre laban kay Paulus
Paunandes ng Malaysia, 21-2.
|