Marami sa atin ang maglalakbay o nagsipaglakbay
na papunta sa kani-kanyang probinsya.
Mayroong uuwi sa pamilya para sa sama-samang pagninilay ngayong
Huwebes Santo hanggang sa Linggo ng Muling Pagkabuhay ni Hesukristong
ating Manunubos.
Mayroong maglalakbay para samantalahin ang mahabang bakasyon. Kasama
ng kapareha sa buhay o ng mga kaibigan. Maaaring pagbababad sa beach
resorts o pag-akyat sa mga bundok at kagubatang hindi pa nila nararating.
Nature trip, ‘ika nga.
Meron namang paglalakbay patungo sa mga ‘banal na lugar’
na dinarayo sa tuwing sasapit ang Semana Santa.
Iba-iba ang layunin. Iba-iba ang taglay na kalooban. Sana lang ay
huwag nating kalimutan ang tunay na kahalagahan ng banal na panahong
ito.
Simula sa araw na ito, Huwebes Santo, ay gugunitain natin ang mga
huling yugto ng pagkakatawang-tao ng Poong Hesus na Anak ng Diyos.
Bilang tao ay dumanas din siya ng matinding takot at pag-aalinlangan.
Dahil nga nakakaramdam siya ng sakit ng katawan at pagdurusa ng
kalooban. Ngunit nagawa niya itong mapaglabanan dahil nakatuon ang
kanyang buong puso, isipan at kaluluwa sa misyong iniatang sa kanyang
balikat ng Diyos Ama: ang tubusin ang sanlibutan mula sa kasalanan.
Bukas ang magiging kaganapan ng banal na misyong ito.
Tayo, bilang mga nilikha ng Diyos na kawangis Niya, ano ang misyon
natin? Sapat na ba na alam nating tinubos na tayo sa ating mga kasalanan
at nagkamit na tayo ng buhay na walang hanggan dahil sa kaligtasang
ito
. Isang kaligtasang pinagbayaran ni Hesus ng
kanyang sariling buhay?
Hindi ba’t bilang isang nilikhang kawangis ng Diyos ay may
tungkulin tayong dapat gampanan upang maging karapat-dapat sa kaligtasang
ito.
Kahit ang pagiging karapat-dapat natin sa paningin
ng Lumikha ay hindi nagmula sa ating sariling pagsisikap at mga
mabubuting gawa kundi ito’y grasya pa rin na Kanyang kaloob.
Nasa atin ngayon ang pagkakataong tahakin ang landas na hinawi para
sa atin ni Hesukristong Manunubos. Ang landas na ito ay puno pa
rin ng mga pagsubok at tukso. May sanga-sanga pa ring daan tungo
sa madilim na mundo ng kasalanan.
Kung sa sariling lakas lang tayo mananangan ay hindi natin magagawang
tawirin ang landas na ito pauwi sa piling ng Amang Lumikha. Ngunit
dala na rin ng labis na pagmamahal Niya sa atin ay pinasaklolohan
Niya tayo sa Espiritu Santo upang lalo tayong tumatag at maliwanagan
patungo sa tamang daan.
Ang daang ito ay walang iba kundi ang landas ng pagbabago... Pagbabago
palayo sa ating mga lumang sarili. Pagbabago laban sa tukso ng pera,
ng huwad na kapangyarihan, ng materyal na kaligayahan, ng makamundong
pangangailangan.
Mahirap ang daang ito ngunit magiging mabisang gabay natin ang walang
patid na komunikasyon sa Lumikha sa pamamagitan ng panalangin.
Hindi namatay at nabuhay na muli si Hesukristo para sa wala. Buong
lugod niyang tinanggap at isinakatuparan ang misyong tubusin ang
sanlibutan sa kasalanan dahil tayo’y mahal ng Diyos Ama at
tayo’y mahalaga sa Kanya.
|