www.abante-tonite.com
 
 
 
 
 
GABAY NG DIYOS

TODO BANTAY!
Sa pagpasok pa lang ng bus terminals ay ma-tinding inspeksyon na ang ginagawa sa mga bagahe at pinapaamoy pa sa mga K-9 dogs. Pero hanggang sa loob ng bus, bago ito umandar, ay panibagong ins-peksyon pa rin ang ginagawa ng mga sundalong ito. Salamat dahil kampante ang kalooban ng mga pasahero sa kaligtasan ng kanilang byahe. (Rusty Roman)

DEADLY COMBINATION
OIL HIKE + RICE CRISIS = RIOTS
Nina NOEL ABUEL, ROSE MIRANDA, CHRISTINE AGUS at BOYET JADULCO

 

Isa sa pinaka-delikadong kumbinasyon ng mga krisis sa isang komunidad o bansa ang walang ti-gil na paglobo ng presyo ng langis at ang krisis sa supply ng bigas.


Dahilan upang tawagin itong ‘fatal combination’ na walang dudang magreresulta ng matin-ding kaguluhan at kaliwa’t kanang riots.

Idagdag pa umano ang matagal nang kagutuman sa hanay ng lumalawak na bilang ng mahihirap na Filipino na lalong pinalala ng mataas na unemployment rate.


Ayon kay Prestoline Suyat, tagapagsalita ng Kilusang Mayo Uno (KMU), magsisilbing ‘death sentence’ sa mataas na unemployment rate na pumalo sa 7.4% noong Enero ng taong ito, base sa datos ng National Statistics Office (NSO), ang kakapusan sa supply ng bigas na awtomatikong nangangahulugan ng pagtaas ng presyo nito.


Dati na umanong nilulumpo ng walang patid na pagsirit ng oil prices ang mga mamamayang walang kayod o mahina ang kita subalit ngayon ay dadagdagan pa ng mas malaking problema sa bigas.


Dahil ang taumbayan ang direktang masasagasaan ng krisis na ito, kailangan umanong maglatag na ng totoong kondisyon ang Malacañang at si Agriculture Sec. Arthur Yap sa usapin ng pangunahing butil lalo pa’t ang anumang paggalaw sa presyo nito ay agad ding binubuntutan ng iba pang panguna­hing bilihin.


Kamakalawa ay sinegundahan ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo ang naunang paha­yag ni Yap na walang ‘rice shortage’ sa bansa kundi magtataas lang umano ang halaga nito bunga na rin ng paggalaw ng presyo ng butil sa pandaigdigang merkado.


Noong Lunes ay hiniling ni Yap sa mga restaurant at fastfood chain owners na maghain na ng kalahating order ng kanin sa mga kustomer upang hindi masayang ang kanin sa mga mahihinang kumain. Ito’y bilang bahagi umano ng pagtitipid.


Kahapon naman ay nagpakalat ng ‘rice marshals’ ang National Food Autho­rity (NFA) upang bantayan ang mga palengke at rice dealers laban sa mga magsasamantalang hoar­ders at profiteers.


Binigyan-diin pa ni Yap na hindi dapat gumalaw ang presyo ng NFA rice na ibinibenta sa halagang P18 hanggang P25 kada kilo.


Bunsod ito ng natatanggap na mga reklamong may ilang abusadong negosyante ang nagtataas na ng presyo ng bigas at ang ilan naman ay nag-iimbak na ng supply upang iang­kla sa inaasahang pagsirit ng halaga nito.


Bagama’t hindi umano mapipigilan ang pagtaas ng presyo ng pangunahing butil, sinabi ni Yap sa pakikipag-usap nito kahapon kay Executive Sec. Eduardo Ermita na walang katiyakan kung magkano talaga ang magiging price adjustment.


Kaugnay nito, binasbasan na rin ng pamahalaan ang pag-aangkat ng NFA ng 2.1 milyong toneladang bigas mula sa ibang bansa upang matiyak na hindi kakapusin ng supply ang bansa. Inilaan dito ang P15 bilyon hanggang P20 bilyong pondo.


Ngunit nilinaw ni NFA deputy administrator Ludovico Jarina na, “This approved amount is just a standby measure.”


Mula sa Senado, duda naman ni Sen. Ri­chard Gordon na posible umanong inilulutang ta­laga ang pekeng rice shor­tage sa Pilipinas upang maitulak ang malakihang importasyon ng bigas mula sa pinapaborang bansa. Ang resulta: malaking ‘kickback’ o komisyon na naman ng mga taong nasa likod nito.

 

 
 
              Search for keyword
 
EXCHANGE RATE

 
Copyright © 2008, Monica Publishing Corporation. All Rights Reserved
designed and developed by:
MIS Section