|
Isinantabi ng mga Filipino ang problema sa pulitika
kahapon at nagkaisang ipinagdiwang ang pagkapanalo ni boxing
superstar na si Manny Pacquiao sa WBC super-featherweight laban
kay Mexican contender Juan Manuel Marquez sa WBC super-featherweight
fight sa Mandalay Bay, Las Vegas.
Ang mga construction worker sa Lungsod ng Makati ay nag-umpukan
upang makinig ng live broadcast sa radio kaugnay sa laban at naghihiyawan
sa labis na katuwaan nang ihayag ng mga judges ang split decision
pabor kay Pacquiao.
Ang military na unang nagdeklara ng special ceasefire
upang makapanood ang mga sundalo sa laban, ay naglagay ng giant
screen sa mga army headquarters.
Maging ang rebeldeng Moro Islamic Liberation Front (MILF) ay pansamantalang
nagluwag sa kanilang pagpapatrolya para manood ng boxing.
Samantala, nagmistulang “ghost town” naman ang maraming
bahagi ng Zamboanga City kahapon dahil sa laban ni Pacquiao laban
kay Marquez.
Nagtumpukan ang maraming mga manonood, partikular ang
ordinaryong tagahanga ni Pacquaio na mga tricycle at jeepney
driver sa iba’t ibang kainan at ang iba ay nasa sinehan
at hotel.
Masaya ang naging laban para sa maraming mga taga-hanga ni Pacquiao
sa Zamboanga City ngunit dahil sa kilalang sugarol ang mga Chabacano
ay nauwi sa pustahan ang laban nina Pacquiao at Marquez.
Mustulang sabong ang boxing at kaliwa’t-kanan ang sigawan
sa pustahan.
“Katuwaan lamang itong pustahan,”
ani naman ng isang “kristo” na nagpakilalang lamang
sa pangalang Jason.
Umabot umano sa 400 ang kumisyon at balato na nakuha ni Jason sa
pustahan. Wala rin inulat na krimen sa Zamboanga City sa ilang
oras ng labanan kahapon katulad ng inaasahan ng pulisya.
Sa Palasyo, nagmistulang pista naman ang senaryo sa buong Malacañang
dahil sa panalo ni Manny Pacquiao kontra kay Marquez.
Ikinuwento ni Deputy Presidential Spokeswoman Lorelei Fajardo na
personal na tinututukan at pinanoood ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo
ang laban at masayang-masaya umano ang huli dahil sa tagumpay ng
boksingero at sa nangyaring muling pagkakaisa ng bayan dahil sa
nasabing laban.
Bukod dito ay napag-alaman na personal na tinawagan ni Pangulong
Arroyo si Pacquiao, ilang sandali matapos ang panalo nito, upang
saglit na batiin.
GMA nag-emote
Kaugnay nito, inihalintulad ni Pangulong Arroyo ang kanyang pakikibaka
sa aniya’y “sweet victory” o “matamis na
tagumpay” ni Manny Pacquiao kontra Marquez.
Sa kanyang opisyal na mensahe kaugnay ng panalo ni Pacquiao, paniwala
si Pangulong Arroyo na tulad ng boksingero ay makakaya din ng kanyang
liderato at buong bayan ang anumang pagsubok. (With AFP)
|