LAS VEGAS --- Dumating na po
ang oras na ating pinakahihintay at pinaghahandaan. Ako po ay nasa
pinakama-buting kundisyon at sa-na, kayo rin.
Halos apat na taon ang ginugol upang muli kaming makapagharap ni
Juan Manuel Marquez para paglabanan ang isa sa mga pinakamalaking
korona at titulo sa super-featherweight division nitong nagdaang
dekada.Sa Marso 15 (Marso 16 sa Pilipinas), wawakasan na namin ni
Marquez ang isang yugto ng aming career sa Mandalay Bay Events Center
sa Las Vegas.
Handa na po ako upang sumabak sa taas ng ring,
dala ang lahat ng inyong mga pangarap at mga adhikain. Handa na
po ako upang asamin, kopohin at ialay sa inyong lahat ang World
Boxing Council super-featherweight belt at ang Ring Magazine “People’s
Champion” title. Handa na ang aking katawan bunga ng mahigit
na dalawang buwang paghahanda. Matalas ang aking pandama at malinaw
ang aking pag-iisip. Mataimtim at matibay ang aking pananalig sa
Diyos kaya masasabi kong wala na akong pangangamba sa laban na ito.
Para sa inyo ang laban na ito. Para sa inyong
mga kababayan ko, para sa inyong mga minamahal ko, para sa bansa
ko itong pagbubuwis ko ng pagod, pawis at dugo. Ang nasa isip ko
ngayon ay ang pagpapanalo sa laban kontra sa Mexicano na tumabla
sa akin noong huli kaming nagkaharap.
May mga bagay-bagay na ginawa kami upang hindi
na maulit ang mga maliliit na pagkakamali noong nakabangon pa si
Marquez sa unang round kung saan siya ay bumagsak ng tatlong beses.
Malaki na ang pagbabago ng aking buhay mula
noong 2004. Malaki na rin ang asenso ng aking style mula nang ako
ay magsimulang magboksing.
Sa tingin ko, nag-mature na ako bilang isang
boxer at fighter at mas maayos na ang aking depensa pati na rin
ang pagdagdag ng iba pang mga estilo sa aking mga suntok, lalung-lalo
na sa aking kanang kamay. Sa tingin ko, hindi na sikreto na sa pagdagdag
ng lakas at bisa sa aking kanang kamay, mas naging mahirap para
sa aking mga kalaban ang paghandaan ang aking kaliwang straight
punch na isa sa mga pinakamabisa at malakas kong suntok.
Habang sinusulat ko itong column kong ito, ako
po ay unti-unting lumilikom ng lakas dahil galing ako sa pagre-reduce
ng timbang. Dumating na rin ang aking kaibigan na pari mula pa sa
New York na si Fr. Marlon upang magmisa sa umaga bago ako sumabak
sa taas ng ring, isang magandang paghahanda namin sa spiritual na
aspeto ng aking pagkatao na naging tradisyon ko na bago lumaban.
Sana po ay ipagdasal natin ang isa’t-isa
para lahat tayo ay makarating ng sabay-sabay sa ating minimithing
paroroonan.
Mahirap po ang laban na ito kontra kay Marquez
pero walang imposible kung sama-sama tayong kumikilos patungo sa
iisang direksyon. Kung iisa ang ating goal sa buhay at walang kumukontra
at sumasalungat sa iisang agos, mas madali nating makakamit ang
tagumpay. Mas magaan ang pagpapanalo kung lahat tayo ay maniniwala
na kaya ng Pilipino na umangat mula sa kahirapan.
Kaya naman po, sana ipagdasal ninyo na ako ay
magwagi sa laban na ito at wala sa aming dalawa ang mapipinsala
o masasaktan ng malubha.
|