Dear Chiz,
Noong taong 2000 ng Disyembre, ako ay nakasal
sa huwes sa Manila City Hall sa isang babae. Siya ay may 3 anak
at, sa pagkakaalam ko, hiwalay na sa kanyang dating asawa at annulled
[ang kasal] nito kaya pinakasalan ko.
Ngunit nang i- “submit” ko sa kumpanya
namin ang papeles ng aming kasal, nalaman nila na kasal pa pala
siya. Agad akong humiwalay sa kanya dahil ayaw kong makasuhan, dahil
alam kong bawal ‘yun. Ang problema ko ay nang i-check ko sa
NSO, nakarehistro na kasal ako sa kanya.
Nagtanong ako kung paano malinis ang pangalan
ko at ang sabi ay tanging sa korte lang daw ito magagawa.
Ang tanong ko: ‘di ba walang bisa ito [kasal]
so bakit kailangan akong dumulog sa korte para ipawalambisa ang
isang bagay na walang bisa sa umpisa pa lamang? Tama ba ako? Nais
ko na maayos ang buhay ko na nasira ng mga pangyayari.
Sana matulungan mo ako sa aking sitwasyon.
Lubos na gumagalang,
Teddy Tesorero
Dear Teddy,
Magandang araw. Para sa iyong kaalaman ang krimen na pagpasok ng
isang tao sa pangalawang kasal bago pa man maipawalambisa ang kanyang
unang kasal ay tinatawag na “bigamy”.
Ang mga elemento ng bigamy ay ang mga sumusunod:
1.) ang akusado ay legal na kasal, 2.) ang nasabing kasal ay hindi
pa naipapawalambisa, 3.) siya ay pumasok sa pangalawang kasal, at
4.) ang nasabing pangalawang kasal ay mayroon lahat ng elemento
ng isang legal na kasal, maliban sa kawalan ng kapasidad ng isa
na magpakasal dahil sa kanyang unang kasal.
Kung susuriin ng mabuti ang batas, ang krimeng
bigamy ay maaari lamang magawa ng isang tao, ang siyang pumasok
sa pangalawang kasal, habang ang kanyang unang kasal ay may
bisa pa.
Ang pangalawang asawa ay madadamay lamang kung
mapapatunayan na alam niya na ang kanyang pinakasalan ay kasal na
sa iba at kanya pa rin itong pinakasalan.
Ngunit kahit na mapatunayan ito, ang pangalawang
asawa ay maaaring makasuhan bilang kasabwat lamang at hindi bilang
prinsipal na akusado, kung saan mas mababa ang parusa.
Kung anuman, para maiwasan ng tuluyan ang anumang
kapanagutan dala ng isang “bigamous” na kasal, tulad
ng sa’yo, tama ang payo sa’yo na dapat kang maghain
ng petisyon sa hukuman upang mapawalambisa ang inyong kasal.
Tamang sabihin na ang inyong kasal ay walang
bisa sa simula’t sapul, ngunit upang maging “pormal”
at “opisyal” ang pahayag na ito at magkaroon ng bisa
laban sa lipunan o sa ibang mga tao, kinakailangan nang hukuman
na may sapat na kapangyarihan ang magdeklara ng pagkawalang bisa
ng iyong kasal.
Ito ay para sa kaayusan ng lipunan at para sa
katahimikan ng lahat. Hindi pinapayagan ng batas na basta na lamang
iwan sa mag-asawa ang pagpasya kung ang kanilang kasal ay may bisa
o wala.
Ang isang kasal ay hindi tulad ng normal na kasunduan
kung saan maaaring pagtalunan ang bisa nito. Ang isang kasal ay
binibigyan ng halaga at importansya ng batas.
Hindi maaaring tutulan ang pagiging lehitimo
nito ng hindi dumadaan sa tamang proseso ng hukuman. Tanging ang
hukuman lamang ang may kapasidad na ideklara ang pagkawalang bisa
ng isang kasal.
Francis “Chiz” Escudero
Ilakip
ang inyong pangalan at address sa inyong ipadadalang mga katanungan
at mga suhestyon. Maaari kayong magpadala ng liham sa tanggapan
ng pahayagang ito sa No. 167 Liberty Bldg., Roberto Oca St., Port
Area, Manila o e-mail sa chizescudero2007@yahoo.com o sa pamamagitan
ng SMS o text message sa teleponong 0915-2974053.
|