Bagsak ang isang notorious drug pusher habang
arestado rin ng mga anti-drug operatives ang isang sundalong nagtangka
umanong humarang sa pagdakip dito sa Dasmariñas, Cavite.
Kinilala ni Philippine Drug Enforcement Agency Director General,
ret. Gen. Dionisio Santiago ang nasakote sa buy-bust operation na
si Acmad A. Saripada ng Datu Esmael, Dasmariñas, sinasabing
nasa likod ng talamak na bentahan ng dangerous drugs sa nabanggit
na lugar.
Ayon kay Santiago, alas-otso ng gabi nang ilarga ang buy-bust matapos
na pumayag ang suspek na magbenta ng may 60 gramo ng shabu sa PDEA
agent poseur buyer.
Gayunpaman, habang nasa aktong inaaresto ang drug trafficker ay
umeksena umano ang nagpakilalang si Corporal Edrieza Rimbang at
hinarang ang arresting team ng ahensya.
Nagbunot pa umano ng kanyang service firearm ang sundalo kaya’t
maging ito ay dinampot ng mga awtoridad.
Ipinagharap na ng kasong paglabag sa Section 5 (selling of dangerous
drugs) si Saripada habang sinampahan ng kasong obstruction of justice
and illegal possession of firearms si Rimbang.
|