|
Dahil
walang patid ang mga rallies at kilos protesta sa kalsada, kaliwa’t
kanan din ang ‘unity walk’ sa palasyo para ipakita naman
ang suporta kay Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo.
Sinimulan ng kanyang buong gabinete. Sumunod ang mga gobernador
at alkalde. Meron pang anunsyo ng manipesto ng suporta ng mga local
executives. Malaking gastos na naman ito.
Tapos, sa mismong EDSA 1 anniversary ay may ‘unity walk’
din ang militar at pulisya.
May naudlot na ‘unity walk’ ng mga academes, State University
and Colleges (SUCs) administrators at faculty members matapos itong
ibisto ng mga estudyante ng PUP isang araw bago ang itinakdang ‘unity
walk’ ng mga educators sa bakuran ng Malacañang.
Pero hindi pa rin dito natapos dahil kamakalawa ay may ‘unity
walk’ na naman ng mga estudyante at kahapon ay ‘unity
walk’ naman ng mga barangay. Lahat ay nagpapakita ng suporta
kay Arroyo.
Tanong: may naniniwala ba sa ganitong mga palabas? Sa atin dito
at pati na sa mga kababayan natin sa abroad ay hindi na sila makakabola.
Pero ang tunay na target daw ng mga ‘unity walk’ ay
‘international audience’.
Gustong ipakita ng pamahalaang Arroyo sa mga dayuhan na suportado
pa rin siya ng taumbayan. Ang hindi niya kayang tumbasan ay ang
70,000,00-kataong natipon sa interfaith prayer rally noong Pebrero
29 sa Makati City. Mga lehitimong estudyante sa mga respetadong
unibersidad at kolehiyo, kasama ang kanilang mga guro at school
administrators. Buong puwersa rin ang mga Catholic schools at ang
mga kaparian at madre. Mga propesyunal, mga negosyante. Nagsama
rin ang mga employers at empleyado. Iisa ang sigaw: umalis ang mga
sumusupil sa katotohanan at ang mga matatakaw na kawatan.
Marami sa kanila ay dumanas pa ng panghaharang. Namasahe at gumastos
galing sa sarling bulsa. Walang bayad at hindi hinakot.
Pero sa halip na kilalanin ang lehitimong sigaw ng bayan ay tinatapatan
ito ng mga pinondohang ‘unity walk’ at mga bayad na
anunsyo.
Kung ang perang nilulustay ng Malacañang sa moro-morong ‘unity
walk’ ay ibinubuhos nila sa Laguna na pinepeste ng tipus,
o sa libu-libong OFWs na nanangangailangan ng ayudang legal at saklolo
ng mga embahada roon, labis-labis tayong matutuwa.
Hanggang kelan bibili ng pekeng kapangyarihan ang ating gobyerno?
Hanggang kelan tayo magtitiis sa ganitong kalapastanganan?
|