Noong Huwebes, inihayag ni Elliot Spitzer ang
kanyang pagbibitiw bilang gobernador ng New York matapos na masangkot
sa isang prostitution scandal.
Habang nagsasagawa ng wiretap investigation ang mga federal agents
sa Emperor’s Club VIP call-girl service, natisod nila si ‘Client
9’ na gumastos ng humigit kumulang $80,000 para sa panandaliang
aliw, partikular sa isang prostitute na itinago nila sa pangalang
‘Kristen’.
Sinasabi pa sa impormasyon ng federal bureau na noong February
13, muling nagbayad si ‘Client 9’ ng $4,300 para kay
‘Kristen’.
Si ‘Client 9’ ay nakilalang si first termer Gov. Spitzer
ng New York. Ang iskandalo ay humantong sa kanyang desisyon na magbitiw
sa puwesto.
Bahagi ng kanyang talumpati, “There’s much more to be
done and I cannot allow my private failings to disrupt the people’s
work.”
Iyan ang delicadeza. Only in Amerika.
Sa Pilipinas, malabong mangyari na magbitiw ang isang lider dahil
lang sa iskandalo. Dito, pakapalan ng mukha. Dito, patapangan
ng sikmura.
May mali sa kultura nating kumukunsinti sa isang lider, gumawa man
siya ng mga bagay na labag sa moralidad. Nahihiya na may ipahiya.
Ayaw makialam sa pribadong problema. Takot na mawalan ng pakinabang
sakaling biglaang mawala sa puwesto ang kanyang amo.
Tanggap na ng mga Pilipino ang kamanyakan ng ilan sa mga halal nating
lider. Ito ay sa kondisyon na hindi napababayaan ang kanilang nasasakupan.
May paniniwala rin na anumang ‘below the waist’ ay wala
nang pakialam ang mga Pilipino.
Pero, ngayong Buwan ng mga Kababaihan, dapat nang tuldukan ang pagkunsinting
ito ng ating mga kababayan sa libido ng ating mga lider. Ang tinamong
kapangyarihan ay ‘di lisensya para bastusin ang mga babae,
bayaran man o hindi.
Ang kailangan natin ay isang lider na may mataas na pagpapahalaga
sa moralidad. Isang pinuno na may respeto sa kababaihan. Isang namamahala
na may takot sa Diyos at walang panahon sa tawag ng laman, outside
of her marriage.
Paano mo aasahan na matutugunan ng kanyang paglilingkod ang problema
ng Inang Bayan, kung ang gumugulo sa kanyang isip ay ang kanyang
susunod na ‘sexcapade’?
Isang aral na ang nangyari kay dating Pangulong Joseph Estrada.
Hindi man siya nagbitiw, siya ay pinatalsik naman palabas ng palasyo
dahil na rin sa lantaran niyang pangangalunya. Halos lahat ng iskandalo
na ikinakabit sa kanyang pangalan ay may kaugnayan sa kanyang mga
naging ka-relasyon, ‘di lang isa kundi marami.
Papaano makapag-iisip ang isang lider kung abala rin ang isa pa
niyang ulo?
Sa mga halal nating lider, kaunting respeto naman! Kailangan natin
ngayon ang mga bagong breed of leaders na may pagpapahalaga para
sa iba.
Lord, Kayo na po ang bahala.
|