Pinadadalo ng abogado ng walong junior officers
na miyembro ng Magdalo group sa Makati Regional Trial Court (RTC)
si Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo at 10 iba pa sa susunod
na paglilitis upang tumestigo para sa ikakapawalang-sala ng mga
Magdalo soldiers.
Sa inihaing mosyon ni Atty. Ernesto Francisco sa sala ni Makati
RTC Judge Oscar Pimentel ng Branch 148, hiniling niya na i-subpoena
ng korte ang Pangulo at 10 pang personalidad.
Sinabi ni Francisco na mahalagang humarap ang Pangulo sa korte upang
mailahad ang naganap nilang pagpupulong noon ni dating Navy Lt.
at ngayo’y Sen. Antonio Trillanes IV kaugnay sa banta sa buhay
ng huli at kung papaano ito inilagay sa proteksiyon ng pamahalaan
bunga ng naturang pagbabanta.
Kailangan din aniyang kumpirmahin ng Pangulo ang katotohanan sa
likod ng paglalabas niya ng Executive Order No. 3 noong Pebrero
2001 at Memorandum of Instructions noong Pebrero 11, 2003 kaugnay
sa naganap na pambobomba sa Davao at Cotabato.
Naniniwala si Francisco na makakatulong ang testimonya ng Pangulo
upang mapawalang-sala sa kasong kudeta ang kanyang mga kliyente.
|