GABAY NG DIYOS

Ninoy killer tigok sa selda
(Armida Rico)


Hindi na nakamit ang matagal nang hinihintay na paglaya sa loob bilangguan ng isa sa mga nahatulan sa Aquino-Galman double murder case matapos atakihin sa puso at mamatay sa loob ng maximum security compound ng New Bilibid Prison (NBP) kahapon ng umaga sa Muntinlupa City.


Base sa report ni Supt. Ramon Reyes, OIC ng NBP, dakong alas-7:20 ng umaga kahapon nang ideklara ni Dra. Maria Lourdes Razon ng NBP Hospital na namatay na si Sgt. Mario Lazaga matapos atakihin sa puso dulot na rin ng kumplikasyon sa iba pa niyang karamdaman tulad ng diabetes.


Si Lazaga, 56, ng Barangay Aplaya, Sta. Rosa Laguna ay kabilang sa 17 mga dating sundalo na nahatulang mabilanggo ng habambuhay bunga ng pagkakasangkot sa pagpatay kina dating Senador Benigno ‘Ninoy’ Aquino Jr., at Rolando Galman noong Agosto 21, 1983 sa tarmac ng dating Manila International Airport.


Sinabi ni Supt. Reyes, isinugod noong Huwebes ng umaga sa kanilang pagamutan na nasa loob ng maximum security compound si Lazaga matapos dumaing ng labis na paninikip ng kanyang dibdib.

 
 
              Search for keyword
 
EXCHANGE RATE

 
Copyright © 2008, Monica Publishing Corporation. All Rights Reserved
designed and developed by:
MIS Section