“Buksan mo ang iyong isip at mga mata.”
Ito ang isinagot kahapon ni Caloocan Bishop Deogracias Yniguez,
political affairs chairman ng Catholic Bishops Conference of the
Philippines (CBCP), kay Justice Sec. Raul Gonzalez sa maanghang
na mga kataga nito nang tawaging “ugok” ang mga obispo
at Former Senior Government Officials (FSGO) na patuloy na bumabatikos
kay Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo.
Binigyan-diin ni Yniguez na makakabuting tingnan muna ng kalihim
ang sarili sa salamin bago nito pukulin ng masamang pananalita ang
mga obispo ng Simbahang Katoliko. Ang inaasal umano ni Gonzalez
ay nagpapakita lamang ng tunay na kulay nito, na kulay itim.
Dapat umanong magbukas ng mga mata si Gonzalez at tingnan sa ‘tamang
perspektibo’ kung bakit binabatikos ang pamahalaang kanyang
pinaglilingkuran.
Ngunit kahapon ay pinanindigan ng kalihim ang kanyang pagtawag ng
‘ugok’ sa mga obispong kritiko ng Pangulo sa katwirang
napuno na umano siya sa kaliwa’t kanang negatibong pahayag
ng mga ito na wala na umanong nakita kundi ang kamalian ng gobyerno.
|