Todas ang isang barangay kapitan at anak nitong
babae nang pagbabarilin ng mga hinihinalang miyembro ng Sparrow
unit ng New People’s Army (NPA) sa Ragay, Camarines Sur kamakalawa.
Kinilala ang nasawing si Ernesto Baylador y Navera, 59-anyos,
Bgy. Kapitan ng Bgy. Upper Binahan, Ragay na sinasabing miyembro
ng CAFGU at anak nitong si Janeth Baylador Lasickro, 36, may-asawa
sa nabanggit ding lugar.
Ayon sa ulat kahapon sa Camp Crame, kasalukuyan umanong nakikipaghuntahan
ang mag-ama sa harapan ng kanilang bahay nang biglang sumulpot ang
2 Sparrow na nakamotorsiklo at walang habas ang mga itong pinaulanan
ng bala.
Nadamay naman sa pamamaril ang isang sundalong si Corporal
Roberto Rigor y Villalluz, nakatalaga sa Army’s 31st Infantry
Battalion na kasalukuyang ginagamot sa Bicol Medical Center.
Narekober ng mga awtoridad sa lugar ng pamamaril ang may limang
basyo ng caliber .45 pistol. Masusi pa ring iniimbestigahan ng mga
tauhan ng Ragay Municipal Police Station ang insidente.
|