NABIGLA pa ang mga tao sa lamay nina Miss Golda
at Facundo nang walang babalang dumating doon si Congressman Rafael
Dangal.
Sinalubong agad siya ng mga kapamilya at kapuso ng dalawang pinaglalamayan.
“Tuloy po, Congressman. I’m Attorney Russo. Mabuti po
at napunta kayo.”
Ang abugada ni Miss Golda ang sumaludar kay
Rafael. Katabi nito ang isang binatang kaanak naman daw ni Facundo.
“Nakikiramay po kami ni Cindy. Indisposed po ang misis ko
kaya ako lang ang nakapunta,” sabi ni Rafael, minabuting pagtakpan
ang hindi pagsipot ng ginang.
“Lahat naman po ng mga interests ni Miss Golda ay nasa ayos,
Congressman. A major portion of her wealth will go to charity, gaya
ng nasa testamento niya.”
“Mapupunta sa kawanggawa ang malaking bahagi, maganda pong
balita iyan, Attorney Russo.” Genuine naman ang kasiyahan
ni ‘Igan. Ang anumang tulong para sa mahihirap ay ipinagpapasalamat
niya nang labis.
“E, mawalang galang po, Congressman Dangal...Sir ‘Igan...puwede
po ba kayong makausap kahit limang minuto. Kamag-anak po ako ni
Uncle Facundo at may malaking problema...”
Tumango sa lalaki si Rafael. Nagtungo sila sa isang hindi mataong
bahagi ng lamayan.
“Ano ba ang problema mo?” tanong ni Rafael.
“Ako po si Ernie na pamangkin ni Uncle Facundo. Ayon po sa
nurse na nakarinig sa huling habilin ni Uncle...dapat po daw akong
makakuha ng beinte mil...nasa maleta daw po ni Uncle...”
Nagkainteres si Rafael sa problema ng lalaking halatang probinsiyano.
“Ano ngayon ang sitwasyon, Ernie? Obvious na hindi mo pa nakukuha
ang beinte mil, tama?”
“Tama po. Ayaw pong ibigay sa akin ni Attorney Russo dahil
wala daw po akong proper ID.”
“Ano ba ang dala mong ID, Ernie?” tanong ni Rafael.
“Cedula po saka ID sa TODA namin sa probinsiya, Sir ‘Igan.”
“TODA? Ano ‘yon?”
“Tricycle Operators and Drivers Association, sir.”
“Oh, I see, nawala sa loob ko,” sabi ni Rafael. “At
ayaw ka ‘ka mong paniwalaan ni Attorney na si Ernie na pamangkin
ni Facundo?”
Tumango ang probinsiyano. “Manganganak pa naman ho ang misis
ko, kailangan namin ang beinte mil na pamana sa akin ni Uncle Facundo.”
Saglit na nag-isip si Rafael. Pinag-aralan ang sitwasyon. Pinag-aralan
din ang personalidad ni Ernie.
Kasunod ay kinausap ni Rafael ang abugada. Nangatwiran naman
agad si Attorney Russo. “Congressman, paano ko agad paniniwalaan
si Ernie gayung may dalawa pang Ernie na nagki-claim na sila ang
tunay na pamangkin ni Facundo?”
“Tatlong Ernie ang nagki-claim sa beinte mil?” pagklaro
ni Rafael.
“Oo, congressman...at puro invalid ang mga IDs. Naguguluhan
nga ako.
Intact ang pera sa maleta ni Facundo...”
Napabuntunghininga si Rafael. Napailing. Sa kakaunting pamana ay
tatlo pa ang naghahabol. (ITUTULOY)
|