Yeng, walang karapatang umibig!
(DONDON SERMINO)

 

WALA bang karapatang umibig ang taong mahirap? ‘Yan ba ang drama ni Yeng Constantino, na dahil mahirap ang pamilya niya, kaya dapat niyang isakripisyo ang sariling kaligayahan?


Kung tutuusin, masaya na sana si Yeng ngayon sa piling ni RJ Jimenez, ang kasamahan niya sa Pinoy Dream Academy. Pero dahil kailangan niyang itaguyod ang pamilya niya, na ayaw na niyang bumalik sa kahirapan, pinili niyang tikisin ang sariling kaligayahan.


“Hindi ko idini-deny na gusto ko siya. Pero, hindi talaga puwedeng maging kami, kasi ‘yung papa ko, mas iniintindi ko ang mararamdaman ng tatay ko, kesa sa sarili ko.


“Sa tingin ko, mas dapat kong unahin ang responsibilidad sa family ko, kesa sa sarili ko. Feeling ko, love can wait,” sabi ni Yeng.


Kung may magandang naidulot ang sakit na nararamdaman ni Yeng dahil sa hindi niya pagbibigay ng pagkakataon na mahalin si RJ, ‘yun ay ang pagkakasulat niya nang walong kanta sa bago niyang album, ang Journey, na prodyus ng Star Records.


“Marami akong kantang naisulat para sa kanya. Hindi niya alam `yon. Pero para sa akin, as long as masaya ang pamilya ko, okey lang.”


Unfair na kung unfair. Pero, mas mahirap nga namang problemahin ang pagkain sa lamesa, kahit busog ang puso mo.


“At saka, sa palagay ko naman, sobrang bata pa ako (19 years old) para sa ganyan. Lahat naman ng tao, napagdadaanan ‘yan.


“Masakit na hindi kami puwedeng maging kami. Pero, nag-usap naman kami, na kung para kami sa isa’t isa, magiging kami pa rin balang araw,” say na lang ni Yeng.


Kasama nga pala sa album ni Yeng ang mga kantang Di Na Ganon, Promise, Pili Ka Lang, Tao Lang Ako, What About Us, Himig Ng Pag-Ibig, If You Go, Bakit Nga Ba, at Habambuhay, na ginamit na theme song ng Sakal, Sakali, Saklolo nina Judy Ann Santos at Ryan Agoncillo.


 
 
Copyright © 2008, Monica Publishing Corporation. All Rights Reserved
designed and developed by:
MIS Section