Muling dumagundong ang ‘sigaw’
ng pagpapababa kay Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo sa Malacañang.
Mula sa walang patid na kilos-protesta sa Kalakhang Maynila ay tiniyak
ng mga kabataan at mag-aaral na dadalhin nila sa kani-kanilang probinsya
ang laban ng katotohanan at giit na ‘Gloria resign/Oust GMA’
ngayong Semana Santa.
Ngunit tila hindi na mahihirapan ang mga kabataan sa kanilang bagong
misyon na ikalat sa kani-kanilang pinag-ugatang lalawigan ang ‘kampanya
ng katotohanan laban sa katiwalian’ dahil mistulang binuksan
na ni NBN-ZTE witness Rodolfo Noel ‘Jun’ Lozada Jr.
ang pintuan para rito.
Lozada pinasok na ang Kabisayaan
Kahapon ay napakainit na tinanggap ng mga Ilonggo si Lozada
sa pagbisita nito sa Iloilo City sa kabila ng pagbabawal ni Justice
Sec. Raul Gonzalez na patuntungin ito sa mga paaralan. Si Gonzalez
ay anak ng naturang lungsod at sa nakaraang mga eleksyon ay nagpakita
ng malaking boto ang Iloilo para kay Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo
dahilan upang ituring itong balwarte ng administrasyon.
Ngunit sa kabila ng markang ito ng lungsod at sa lantarang pagharang
ni Gonzalez sa Lozada ‘caravan for truth’, hindi pa
rin naitago ang pananabik ng mga kababayan ng kalihim na makita
at makadaupang-palad ang ‘bayani’ ng broadband scandal.
Dumating si Lozada sa lungsod dakong alas-sais ng umaga at sa airport
pa lang ay laksang mga estudyante at guro na ang sumalubong dito.
Lahat ng kalsadang inikutan ng caravan ni Lozada ay napuno ng tao.
Dahil na rin sa hindi inaasahang pagdagsa ng mga tao ay kinailangang
magpakalat ng 100 pulis ang lokal na pamahalaan upang matiyak ang
kaayusan ng buong aktibidad ni Lozada sa lungsod, pati sa mga mga
paaralang mainit na tumanggap sa inimbitahang NBN-ZTE star witness.
“He was really treated well by the Ilonggos. Students scrambled
to have their pictures taken with Lozada,” anang text message
ng kampo ni Lozada sa Abante.
Mula rito ay dederetso ng Bacolod City na teritoryo naman ni
Sen. Miriam Defensor-Santiago si Lozada.
Magugunitang inilunsad ni Lozada ang kanyang ‘provincial tour’
kasunod ng matagumpay na ‘campus tour’ sa Metro Manila.
Una nitong binisita ang lalawigan ng Laguna at isinunod ang Bataan.
Ito ang kauna-unahang paglabas ni Lozada sa Luzon upang isulong
ang ipinaglalabang katotohanan hanggang sa Visayas at Mindanao.
Ito rin ang dahilan kung bakit hindi nakadalo kahapon si Lozada
sa ‘rally for truth and accountability’ ng mga
kabataan sa Liwasang Bonifacio.
Youth power
Muling nagpakita ng puwersa kahapon ang mga kabataan at estudyante
nang dagsain ang pro-truth, anti-Gloria rally kahapon. Tinatayang
nasa pagitan ng 6,000-8,000 rallyists ang dumagsa rito na ang karamihan
ay mga mag-aaral ng DLSU, UP, PUP, UST, Ateneo de Manila, UE, PLM,
PNU, PSBA, NCBA, CCP, TIP, JRU, PCU, Adamson University, FEU, PCU,
University of Makati, St. Scholastica, CEU, Assumption College,
San Beda, St. Paul University at ilang high school students kasama
ang mga school authorities.
Ang Youth ACT Now! ang pinakamalaking umbrella organization ng mga
kabataan ang nanguna sa naturang pagkilos.
Suportado rin ng mga militanteng grupo ang kilos-protesta at maging
ng malalaking grupong tulad ng Makati Business Club (MBC), Black
and White Movement (BWM) at ng Catholic Bishops Conference
of the Philippines (CBCP) bagama’t hindi nakadalo si CBCP
president at Jaro, Iloilo Bishop Angel Lagdameo.
Nauna nang nagbigay ng pahayag si Lagdameo na dadalo siya sa naturang
inter-faith rally ngunit hindi ito pinayagan ng kanyang doktor.
Nabatid na kagagaling lamang nito sa ospital at hindi pa ganap na
nakakarekober mula sa pagkakasakit.
Ipinagmalaki ng Alliance of Concerned Teachers (ACT) na
sumuporta sa naturang rally na lahat ng nagsitungo kahapon ay hindi
hinakot at walang binayarang organizers taliwas umano sa ‘unity
walk’ na ipinalalabas ng Malacañang para lamang palitawing
may suporta pa rin ng taumbayan si Arroyo.
Kinondena rin ng ACT ang paggamit ng mga estudyante ng palasyo sa
kanilang ‘moro-morong’ unity walk.
|