|
Naging holdaper ang apat na pulis ng Quezon
City Police District (QCPD) sa halip na maglingkod at maging tagapagtanggol
laban sa masasamang loob makaraang ireklamo ng tatlong katao na
pawang mga negosyante kahapon.
Habang sinusulat ang balitang ito, patuloy na iniimbestigahan ng
QCPD-Criminal Investigation and Detection Unit ang mga biktimang
sina Melvin Cruz, 27; Jammel Romuros, 26; at Cecille Garrido, 32,
ng 163 M. H. del Pilar St., Malabon City.
Sa inisyal na pagsisiyasat, naganap umano ang pangyayari sa pagitan
ng alas-kuwatro hanggang alas-singko ng madaling-araw noong March
13, 2008, sa EDSA, Balintawak sa nasabing lungsod.
Sa salaysay ng mga biktima, sakay sila ng isang taxi patungo sa
Baclaran, Parañaque City upang mamili ng mga cellphone nang
parahin ng dalawang mobile car na sakay ang mga suspek.
Pinababa ang mga biktima at kinapkapan sila saka binuksan pati ang
bag ni Garrido na naglalaman ng P345,000 at sinabi umanong drug
money ang pera. Isinakay ang mga biktima sa mobile car at sinabing
dadalhin sila sa presinto at doon tinakot sila habang inikut-ikot
sa madidilim na lugar sa loob ng isang oras.
Ibinaba ang mga biktima sa kanto ng D. Tuazon St., kanto ng Del
Monte Avenue, sabay umalis ang mga pulis pero dala ang pera maging
ang mga cellphone ng mga biktima.
Nang kapanayamin ng ABANTE ang biktimang si Cruz, sinabi nitong
isa lamang sa apat na pulis ang nakilala niya sa pamamagitan ng
name plate nito na “Bacani”.
Tinungo naman ng sumulat nito ang opisina ni Supt. Christopher Jacob
Mateo, hepe ng QCPD-Mobile Force Unit at kinumpirma ng opisyal na
may tauhan silang Bacani.
Galit na sinabi ni Mateo na agad niyang sisipain sa serbisyo ang
mga sangkot na pulis oras na makilala ng mga biktima sa isasagawang
police line-up.
|