Sa kabila ng pagseguro ni PNP Chief, Director
General Avelino Razon Jr. na walang katotohanan ang pag-ikot ng
kulay puting van para dumukot ng mga bata at kunin ang mga laman-loob
o internal organs ng mga biktima, ilang insidente ng tangka at bigong
pagdukot ang naitala sa himpilan ng pulisya.
Magugunita na ilang araw nang naghahasik ng sindak ang kumakalat
na balitang umiikot ang kulay puting L-300 van na may plakang VMM
507 at dumudukot ng mga bata. Gayundin umano ang aktibidades ng
van na may plakang VXE 351, mga sasakyang walang rekord sa Land
Transportation Office (LTO).
Ang aktibidad ay pinabulaanan na ni Razon at halos lahat ng
police director sa Metro Manila at mga karatig na lalawigan.
Gayunpaman, sa journal ng Regional Investigation and Detective Management
Division sa Camp Vicente Lim sa Calamba, Laguna, pinatunayan na
may ulat hinggil sa pagdukot ng mga bata, gamit ang puting L-300
van.
Noong March 10, 2008, alas-12 ng tanghali nang puwersahang ipasok
sa van ang 12-anyos na si Annabelle Hermosa, residente ng Bgy. San
Vicente, San Pedro, Laguna. Ang insidente ay naganap malapit sa
Pacita 2 Elementary School. Sa loob ng van na may anim umanong kidnaper,
nakita umano ni Hermosa ang isang batang babae at apat na batang
lalaki na nag-iiyakan.
Isang lalaki na nakasuot umano ng uniporme ng doktor ang nag-eksamin
kay Hermosa, gamit ang stethoscope at nang sabihing may sakit
ang biktima, pinababa ito sa Guevarra Subdivision, Bgy. San Vicente,
San Pedro.
Noong March 3, 2008, tinangka rin umano ng anim na kalalakihan na
kidnapin si John Michael y Yumpacan, 11-anyos, sa bisinidad ng Ibayo
Elementary School. Hindi na naipasok sa van na may plakang
VMM 507 ang biktima nang magpupumiglas ito at makatakbo. Ang
dalawang insidente ay nai-report na sa regional director ng PRO-CALABARZON.
Sa Batangas, may police report din ang pagkawala nina Patricia Pateña,
5 at Fatima Buceta, 4. Ang dalawa ay nawala noong katanghalian ng
February 19, 2008 sa Poblacion, Ibaan, Batangas.
Pagkatapos ng mga kahalintulad na report ay umikot na ang text messages
na naglalaman ng mga babala hinggil sa kidnapping at bigong kidnapping.
|