Napakaaga pa para magdiwang ng pamahalaang Arroyo
sa pag-aakalang ‘nalusutan’ na nito ang delubyo dahil
ang totoo, “The worst is far from over for (President) Gloria
(Arroyo). The worst is still to come.”
Ito ang tahasang sinabi kahapon ni Senate minority leader Aquilino
Pimentel Jr. bilang pagkontra sa buong kumpiyansang pahayag kamakailan
ni National Security Adviser Norberto Gonzales na nakalusot na umano
sa delubyo si Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo na sinegundahan
kamakalawa ni PNP chief Gen. Avelino Razon.
Pinaniniwalaang ang tinutukoy nina Gonzales at Razon ay ang 70,000-kataong
inter-faith prayer rally noong Pebrero 29 sa Makati City kung saan
sama-samang isinigaw ang pagbaba sa puwesto ni Arroyo alang-alang
sa katotohanan at sa katarungan laban sa matinding corruption.
Kahit pa umano makailang ulit na magpakita ng katatagan ang gobyerno
ay hindi mapagtatakpan ang halatadong pagpapanik nito sa walang
tigil at lalo pang lumalaking protesta ng taumbayan.
Ibinabala pa ni Pimentel na ang mas nakakatakot na parating na senaryo
ay ang pagpalag ng mismong mga kaalyadong mambabatas, gobernador
at alkalde laban sa sumasabog nang katiwalian ng kasalukuyang pamahalaan.
“(But) Not all mayors or governors whom the President counts
as her allies can be cowed to express their support,” anang
senador matapos ibunyag na isang alkalde sa malaking syudad sa Mindanao
ang tahasan umanong nagsabi sa Pangulo, may dalawang linggo na ang
nakakaraan, na hindi nila kailangang sumama sa ‘statement
of support’ ng LGUs dahil ang kailangan nila ay makitang nagsasabi
ng katotohanan si Arroyo.
Sa panig ng mga militanteng grupong Bagong Alyansang Makabayan (Bayan)
at Piston transport group, binigyan-diin nito na masyado pang maaga
para magsaya ang palasyo dahil hindi kayang lusawin ang ‘nakabukol’
na mga katanungan sa isip ng sambayanan.
“Malacañang is hoping that the Lenten break and summer
vacation will break the momentum of protest actions. However, with
so many unanswered questions and new issues coming up, it is too
early for Malacañang to rejoice. The fight is not over, not
by a long shot,” diin ni Renato Reyes, Bayan secretary general.
Siniguro rin ng grupo na lalahok sila sa isa na namang ‘rally
for truth and accountability’ ngayong araw, simula alas-tres
ng hapon hanggang alas-siete ng gabi, sa Liwasang Bonifacio.
Inaasahang tulad ng inter-faith rally sa Makati, malaking bahagi
ng Liwasang Bonifacio ay pupunuin ng mga estudyante at kabataan,
mga religious groups sa pangunguna ng mga pari, madre at seminarista.
Lalahok din ang mga transport groups sa pangunguna ng Piston, mga
manggagawa, kababaihan, propesyunal, negosyante at civil society.
Isang sorpresa naman ang pag-aanunsyo kahapon ni Catholic Bishops
Conference of the Philippines (CBCP) president at Jaro, Iloilo Bishop
Angel Lagdameo na dadalo sa rally ngayon sa Liwasang Bonifacio ang
mga obispo at kaparian ng Simbahang Katoliko, sa pangunguna niya,
bilang pagbawi sa kabiguang makilahok sa inter-faith Makati rally.
Ikinatuwa ni Lingayen-Dagupan Archbishop Oscar Cruz ang aktibong
pakikilahok ngayon ni Lagdameo sa pagsasabing isang malakas na senyal
ito na hindi nakukuntento ang Simbahan sa pagkilos ng pamahalaan
sa hinahanap nilang katotohanan.
Kaugnay nito, nagtalaga ng 2,000 pulis si Manila Police District
(MPD) Director Roberto Rosales sa buong kapaligiran ng Liwasang
Bonifacio ngayon upang mangalaga ng kaayusan at kapayapaan sa idaraos
na rally.
Sa panig naman ni National Capital Region Police Office (NCRPO)
chief Director Geary Barias, itinaas nito sa ‘alert level’
ang buong hukbo kasabay ng pagtatalaga ng 3,000 support police force
sa mga rally areas sa Maynila upang masigurong magiging mapayapa
ang mga kilos-protesta sa araw na ito.
Sa rekord ng pulisya, 128 rallies at mga kilos protesta na ang naitala
simula nang lumantad si Jun Lozada sa broadband deal scandal. Tatlo
rito ay maituturing na ‘major rallies’ (Enero 22 bilang
paggunita sa Mendiola massacre anniversary, Pebrero 25 sa pagdiriwang
ng EDSA I anniversary at ang inter-faith rally sa Makati noong Pebrero
29). Sa araw na ito inaasahang magaganap ang ikaapat na ‘major
rally’ bilang protesta sa matinding corruption sa pamahalaang
Arroyo.
|