Mismong si Sen. Panfilo Lacson ay nasorpresa
sa katakut-takot na pagdi-deny ng kanyang iniharap na testigo kahapon
sa ika-12 pagdinig ng Senado sa NBN-ZTE deal.
“I’m more surprised than disappointed,” anang
senador.
Sa naunang mga pahayag ni Lacson sa media kamakalawa hanggang kahapon
ng umaga bago magsimula ang pagdinig ng Senate Blue Ribbon committee,
kumpyansa itong maraming mahahalagang bagay na ibubunyag si Leo
San Miguel na sinadya niyang isikreto ang pagkatao hanggang sa paglutang
nito mismo sa Senado kahapon.
Si San Miguel, dating chief operating officer ng Home Cable, ay
nabanggit na sa mga testimonya ng mga naunang testigong humarap
sa Senado kaugnay ng kontrobersyal na broadband deal.
Ngunit taliwas sa inaasahan, itinanggi ni San Miguel na may
nalalaman siya sa $41 milyong advances na naibigay na ng Chinese
firm na ZTE Corp. sa tinaguriang “greedy group”. Tila
nilinis din nito ang pangalan ng First Couple (Pangulong Gloria
Macapagal-Arroyo at First Gentleman Mike Arroyo) at maging si dating
Comelec Chairman Benjamin Abalos sa pagsasabing hindi rin niya alam
kung nakinabang ang mga ito sa naturang ‘advances’.
Suspetsa ng senador, nasalisihan siya ng mga tauhan ng administrasyon
kamakalawa ng gabi nang kausapin niya ito sa bahay ng kaibigan ni
San Miguel.
“Naghiwalay kami kahapon around 11 o’clock. Hindi ko
alam kung sino nakausap niya between 11 o’clock pm hanggang
kaninang umaga,” ani Lacson.
Nagpahayag din ng pagkadismaya ang taong tumulong kay Lacson para
ito’y tumestigo sa Senado para sabihin ang nalala-man
sa kickback sa NBN-ZTE deal.
“I’m surprised Leo appears to equivocate a lot! He must
have a major reason to testify that way,” pagdidiin ng kaibigan
ni San Miguel sa Abante na tumangging magpabanggit ng pangalan.
Sa unang pagtatanong ni Lacson, inusisa agad nito si San Miguel
kung kasama siya sa tinatawag na “greedy group” na kinabibilangan
din ni Abalos.
“I am not one of them. My direct relation is with ZTE and
ZTE has hired me as technical advisor, consultant for the project
of NBN. In my own point of view, there are only two groups that
was competing for the project, that was AHI (Amsterdam Holdings
Inc.) and ZTE,” bungad ni San Miguel.
Nang tanungin na ni Lacson kung may alam ito sa advance na naibigay
sa ilang indibidwal, nagsimula nang manggulat si San Miguel sa mga
senador.
“I don’t know whether the refund of my expenses
is called advances but I will not call it advances because these
are part of my transactions with ZTE. I could not confirm whether
such an advances because my role at ZTE as a consultant is really
very limited at technical issues,” wika ni San Miguel.
Sa pagkabigla ni Sen. Francis ‘Chiz’ Escudero, inusisa
pa nito kung ito na ang sinasabing surprise witness ni Lacson kung
saan kinumpirma naman ng huli.
Sa pagtatanong naman ni Senate President Pro-Tempore Jinggoy Estrada,
muling iginiit nito na wala siyang nalalaman na kick back o komisyon
na nakuha ng ilang indibidwal na nagtutulak sa proyekto.
“I’m not aware of any kickbacks or lagayan,” diin
ni San Miguel.
|