Tuluyan nang nakorner ang pamahalaang Arroyo
sa sumabog na Spratlys deal at kahapon ay inilutang ng Malacañang
ang posibilidad na hindi na ituloy ang Phase 2 ng nasimulang Joint
Marine Seismic Undertaking (JMSU) sa oil-rich island kung saan isa
ang Pilipinas sa anim na bansang umaangkin.
Nabatid kay chief presidential legal counsel Sergio Apostol na ngayong
Hunyo 30 magtatapos ang Phase 1 ng JMSU ngunit hiniling ng Philippine
National Oil Company (PNOC) na huwag na munang ituloy ang implimentasyon
ng Phase 2 ng kasunduan hangga’t hindi nareresolba ang kuwestyon
sa legalidad nito.
Aminado ang opisyal na ang ingay sa pulitika ang pangunahing dahilan
ng aksyon ng PNOC. Sa panig naman ng palasyo, isang legal team ang
binuo nito upang sumilip sa problema kung mayroon man habang pinanindigan
na tulad ng Phase 1, ang Phase 2 ng JMSU ay walang nilalabag na
anumang probisyon ng Saligang Batas at lalong hindi ito pagbebenta
sa interes at soberenya ng Pilipinas.
“We are abandoning Phase 2 because of this political noise.
But Phase 2 is the same as Phase 1, it is constitutional. There
is no violation of the constitutional provision. It is clear that
nobody is waiving their right of claim over the area. This is merely
for seismic study. This is not for exploration,” ani Apostol.
Gayunpaman, itinanggi ni Apostol ang naunang ulat na ikinukunsidera
ang tuluyan nang pag-scrap ng JMSU.
Anuman ang magiging rekomendasyon ng legal team sa usapin ay agad
na ipapaalam kay Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo para sa posibleng
aksyon, ayon kay Apostol.
Wala pa ring kawala!
Ngunit para kay Makati Mayor Jejomar Binay, pangulo rin ng United
Opposition (Uno), kahit pa tuluyang ii-scrap o ibasura ang Spratlys
deal - tulad ng ginawang kanselasyon sa NBN-ZTE deal matapos mabisto
ang milyong dolyar na anomalya - ay wala pa ring kawala ang Pangulo
sa kasong treason o pagtataksil sa bayan na isang impeachable offense.
“Scrapping the deal will not absolve the Arroyo administration
of possible criminal liabilities, including treason,” diin
ng alkalde na naniniwalang habang unti-unting nabubunyag ang detalye
ng tripartite agreement sa pagitan ng Pilipinas, China at Vietnam
hinggil sa ‘exploration’ sa Spratly Islands ay lalong
tumatatag ang kasong treason laban sa Pangulo at lahat ng nakibahagi
sa pagkakabuo ng JMSU.
Tinawag pa ni Binay na isang malinaw na ‘kickbacks for oil’
ang kasunduang ito dahil lumilitaw na ‘isinuko’ na ng
gobyernong Arroyo ang karapatan ng Pilipinas sa inaangking islang
mayaman sa langis kapalit ng US$8 bilyong loan package ng China
na kinapapalooban ng maanomalyang mga proyekto ng NBN-ZTE, CyberEd,
Northrail at Southrail.
Ayon naman sa mga militanteng grupo, ang panibagong pag-atras ng
Malacañang sa kuwestyunableng kasunduan ay isa na namang
‘admission of guilt’ tulad ng pagkansela nito sa NBN-ZTE
deal na malinaw na hindi kayang mapanindigan at mailaban ng gobyerno
sa kabila ng giit nitong walang ‘alingasngas’ sa kontrata.
Miriam interesado sa Spratlys probe
Gustong kunin ng isang kaalyado ni Arroyo ang karapatang manguna
sa imbestigasyon ng Spratlys deal ng Pilipinas, China at Vietnam
na siyang umuuga ngayon sa administrasyon.
Binigyang-diin ni Sen. Miriam Defensor Santiago na ang Senate committee
on foreign relations na kanyang pinamumunuan ang dapat maging lead
committee dahil ang relasyon ng Pilipinas sa mga kausap na bansa
ang pag-uusapan dito.
Ngunit nanindigan naman si Sen. Panfilo Lacson na ang Senate committee
on national defense and security na pinamumunuan ni Sen. Rodolfo
Biazon ang dapat maging lead committee sa pag-iimbestiga sa nilagdaang
JMSU.
“Maaaring secondary na lamang ang Senate committee on foreign
relations at ang Blue Ribbon,” komento ni Lacson.
Kahapon ay naghain ng resolusyon si Santiago na humihiling na lumikha
ng isang Congressional Commission on National Territory (CCNT) upang
siyang tumutok sa napakatagal nang pagki-claim ng Pilipinas sa ‘territorial
sovereignty’ sa ilang katabing isla sa Asya.
Samantala, makikipagkita naman ngayon si Sen. Mar Roxas sa Communist
Party of China (CPC) upang alamin ang katotohanan sa likod ng mga
kontrobersyal na dealings ng Pilipinas sa naturang bansa.
“Ang Tsina ngayon ay kinikilala bilang higante sa mundo sa
pagdating ng ekonomiya at geo-politics. Nasa interes ng Pilipinas
na pagtibayin ang relasyon nito sa Tsina, nang hindi isinasantabi
ang pambansang interes,” diin ni Roxas.
JDV dedepensa kay GMA
Kahit naman may ‘giyera’ sa pagitan ng Pangulo at ang
pinatalsik na lider ng Kamara, si dating House Speaker Jose de Venecia
Jr., handang ipagtanggol ng huli ang una sa usapin ng Spratlys deal.
Si De Venecia ang sinasabing nag-ahente ng kasunduang ito para maisara
at hanggang ngayon ay naniniwala itong tama ang desisyon ng pamahalaan
sa pagpasok sa kasunduan at wala umanong nilalabag na probisyon
ng Saligang Batas ang JMSU.
“Kahit magkaaway kami ni Presidente (Arroyo), idedepensa ko
siya. Idedepensa ko si (ex-Foreign Affairs Sec.) Bert Romulo dahil
tama ‘yung ginawa nila,” ani De Venecia.
|