www.abante-tonite.com
 
 
 
 
 
Pera-pera lang pala

 

“Nakakalungkot ung nabasa ko sa dyaryo noong Martes. Sabi ni Sen. Manny Villar na kung wala ka raw P1 billion, huwag mo ng ituloy ang balak mo bilang Pangulo.” Ito ang nasambit ni Senadora Loren Legarda, matapos mabasa ang isang report ng isang foreign news agency, ang Reuters, ukol sa panayam nila kay Villar na nais ma­ging Pangulo ng bansa.


“Ibig ba n’yang sabihin, kung wala kang pera ay huwag ka ng mangarap na makapaglingkod bilang Pangulo sa ating bansa? Nakalulungkot pong isi­pin na paliliitin natin ang usapin ng paglilingkod sa bayan sa isyu ng pera.

Pera-pera na lang ba ang eleksyon? Talaga bang ang tingin nya sa taong bayan ay mukhang pera? Pwera na ba ang pagmamahal sa bayan? Pwera na ba yung uri ng leadership na ibibigay mo? Pwera na ba yung vision para sa kinabukasan ng ating bansa? Basta may pera, pwera na ba ang lahat?” dagdag ni Loren.


Binasa ko ang pahayag ng Reuters, at sa bandang huli, sinabi pa ni Manny Villar -- “They say there is one golden rule -- he who has the gold rules.”

Pinagmalaki ni Villar na siya ay may sariling ginto, samantalang ang ibang kandidato o maaaring kumandidato ay aasa pa ng “ginto” sa iba. E kung ganoon rin lang pala, bakit hindi pa si Don Jaime Zobel de Ayala ang gawin nating Pangulo? O si Lucio Tan? Si Gokongwei kaya? O si Danding Cojuangco? Ramon Ang? O huwag na tayong mag-isip pa ng iba, bakit hindi na lang si Don Jose Miguel Arroyo y Tuason? O si Donya Gloria, habang-buhay?


Totoong mahalagang malaman ng bayan kung sinu-sino ang nasa likod ng mga kumakandidato, lalo na sa pagka-Pangulo. Ito ba ay pera ng mga crony ni Marcos? Crony ni Donya Gloria at Mike Arroyo?


At mahalaga ring suriin kung ang kandidato ay saksakan ng yaman, tulad ni Manny Villar, kung saan nanggaling at papaano lumago ang bilyun-bilyong salaping ngayon ay ipina­ngangalandakan niya.


Alam natin kung saan nanggaling ang yaman ng mga Ayala. Panahon pa ng Kastila ay nabigyan sila ng malalawak na lupain, lalo na sa Batangas, at noong parating ang mga Amerikano, naibenta nila ang ilan dito at ibinili naman ng mga lupa sa San Pedro de Makati, na ngayon ay financial center ng bansa, at bahayan ng mga bilyonaryo. Ilang henerasyon ang pinagsalin-salinan at pinaglaguan ng kayamanan nila. Sa ating kaalaman, wala namang paggamit ng kapangyarihan sa pamahalaan, o pag-impluwensya sa mga taga-pamahalaan, ang siyang nagpalago sa yaman ng mga Ayala.


Pero tama si Senadora Loren. Pera-pera na lamang ba ang pulitika natin?

Pera na lang ba ang batayan ng panalo upang makapanilbihan sa sambayanan?


Sabi ni Villar, “if you can’t even raise one billion pesos, why even run?”

Siguro, nais ipaabot ni Villar sa mga katunggali niya -- “magtanim na lang kayo ng kamote.”


Kay lungkot nga naman. Para ka maging alkalde, malaki ang gastusin.

Paano mo babawiin? Para ka maging gobernador, malaki ang gastusin.

Paano mo babawiin? Para ka maging congressman, lalo na Speaker pa ang puntirya, lalong malaki ang gastusin. Paano mo babawiin? Hanggang sa maging Pangulo ka. Kung hindi pagbawi ang iniisip mo, tulad ni Donya Gloria na sinuwerte dahil napatalsik si Erap, paano ka namang mananalo sa hala­lang sunod, kung hindi limpak-limpak ang ginasta? At ngayong patapos na, paano naman ang kinabukasan nila, ng kanilang mga anak, apo, at magiging apo ng kanilang mga apo?


Sadya bang wala nang pag-asang gumanda pa ang ating pamumulitika?

Tama ba si Villar, na dahil pera-pera lang ang pulitika, e palagi na lamang ganito ang pamamahala ng ating bansa?


(banayo_at@yahoo.com at litobanayo.blogspot.com)

 

 
 
              Search for keyword
 
EXCHANGE RATE

 
Copyright © 2008, Monica Publishing Corporation. All Rights Reserved
designed and developed by:
MIS Section