www.abante-tonite.com
 
 
 
 
 
GABAY NG DIYOS

27.6M POBRE
Paano nga ba maipaliliwanag ang pagdami ng mahihirap habang humihiga sa milyones ang ilang taong gobyerno at mga ‘tsokaran’ nila? (Jhay Jalbuna)

JDV PAKAKANTAHIN SA SPRATLYS DEAL
Nina ERALYN PRADO at ROSE MIRANDA

 

Hinamon kahapon ng kanyang mga kasama sa Kamara si Pangasinan Rep. Jose de Venecia Jr. na ibunyag ang lahat ng kanyang nalalaman, maging ang aktuwal niyang partisipasyon, sa sinasabing Spratlys deal ng Pilipinas at China.


“Former Speaker Jose de Venecia should tell eve­rything that he knows about the origins and background of the Tripartite Agreement for Joint Marine Seismic Undertaking in the Agreement Area in the South China Sea signed March 14, 2005, especially his role in the initiation, negotiation and signing of the agreement,” hamon ni House deputy minority leader Roilo Golez.


Binigyan-diin ni Golez na tanging si De Venecia lamang ang makapagsasabi kung may katotohanan ang alegasyon na ang paghahabol ng Pilipinas sa Spratly Islands ang naging kapalit ng multi-bilyong dolyar na pautang ng China para pondohan ang sinasabing mga overpriced at kickback-ridden na mga proyektong tulad ng NBN-ZTE, CyberEd, Northrail at Southrail.


Batay sa naglabasang ulat, si De Venecia ang itinuturong ‘ahente’ ng multi-billion dollar deal na ito na ang isinangkalan diumano ng pamahalaang Arroyo ay ang Spratlys claim ng Pilipinas. Minsan nang pinabulaanan ni De Venecia ang ulat ngunit marami ang umaasang sa pagkakataong ito ay ‘kakanta’ na ang dating kaalyado ng administrasyon matapos itong pitikin sa liderato ng Kamara.


Bilang panghihimok naman sa dating speaker, sinabi ni Golez na walang sinumang maniniwala na solong naisara ni De Venecia ang deal sa China kung totoo man ito. Tiyak umanong may basbas ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo ang kasunduan dahil ito lamang ang awtoridad na puwedeng kilalanin ng China sa ganito ka-sensitibong transaksyon.


Gayunpaman, itutulak pa rin ni Golez na si De Venecia mismo ang maglatag ng katotohanan sa likod ng ugong na ‘Spratlys deal’. Partikular sa hihimaying impormasyon sa pinatalsik na speaker ay kung mayroong matataas na opisyal ng gobyerno ang kasangkot sa multi-bilyong loan package na ito.


Kamakalawa ay isinulong ng 14 na kongresista ang imbestigasyon sa sumisingaw na Spratlys deal kung saan mismong ang kaalyado ng Pangulo na si Camarines Sur Rep. Luis Villafuerte, presidente ng Kampi party ni Arroyo, ang isa sa mga naghain ng resolusyon. Bagama’t malinaw na ang target ng hakbang ng administration bloc ay mapitpit si De Venecia, pinaniniwalaang mahahagip din dito ang Pangulo na kung mapapatunayan ay maaaring maharap sa impeachable offense na ‘treason’ o pagtataksil sa bansa.


Sa Senado, may isinampa na ring resolusyon si Sen. Antonio Trillanes IV at sinundan pa nina Sens. Panfilo Lacson at Jamby Madrigal na naglala­yong paimbestigahan ang ‘Spratlys deal’. Ang China at Pilipinas ay ilan lamang sa mga bansa sa Asya na nagki-claim ng pagmamay-ari sa oil-rich na isla ng Spratly at sinasabing para makakuha ng multi-bilyong dolyar na loan package ay ipinagkasundo diumano ng pamahalaang Arroyo sa China ang claim ng Pilipinas sa naturang group of islands.


Kamakalawa ay umani ng suporta mula mismo kay Senate President Manny Villar ang naturang mga hakbang at kahapon ay dumagdag sa suportang ito si Senate majority leader Francis ‘Kiko’ Pangilinan.


Sinabi ni Pangilinan na kung may katotohanan ang naturang ulat ay dapat na maalarma ang buong sambayanan dahil ipinapakita lamang nito na hindi na mapagkakatiwalaan ang sariling gobyerno para protektahan at isulong ang pangkalahatang interes, pati na ang kasarinlan. “Dapat nating malaman kung binebenta na ba tayo ng sarili nating gobyerno,” diin ng senador.


 
 
              Search for keyword
 
EXCHANGE RATE

 
Copyright © 2008, Monica Publishing Corporation. All Rights Reserved
designed and developed by:
MIS Section