www.abante-tonite.com
 
 
 
 
 
GABAY NG DIYOS

TIPUS OUTBREAK
Kabilang ang kambal na Genely at Ashley Balanes at ina nilang si Maxima sa mahigit 1,200 residente ng Calamba City, Laguna na dinapuan ng typhoid fever. Dahil sa dagsang pasyente ay napuno pati mga pasilyo ng JP Rizal Memorial District Hospital dahilan upang ideklara ng lokal na pamahalaan ang tipus outbreak. (AFP)

LOZADA BANNED!
Ni JB SALARZON

 

Bawal nang imbitahan at pagsalitain si NBN-ZTE witness Rodolfo Noel ‘Jun’ Lozada Jr. sa mga paaralan.


Ito ang nilalaman ng ibinabang kautusan kahapon ni Sec. Jesli Lapus ng Department of Education (DepEd) sa lahat ng pampublikong paaralan sa elementarya at sekondarya sa buong bansa, partikular ngayong nalalapit na ang pagdaraos ng commencement rites.


“The graduation rites should be conducted in an appropriate solemn ceremony befitting the gra­duating students and their parents and shall not in any way be used as a venue for political forum,” saad ng order na ibinaba ni Lapus.


Maliban pa rito, ibinunyag ni Prof. Roseller Luciano, chairperson ng Congress of Teachers and Educators for Nationalism and Democracy (Contend)-UP, na kinakalampag umano at ginagapang ng Malacañang ang mga presidents, deans at directors ng mga State Universities and Colleges (SUCs) upang himukin ang mga itong ‘barahan’ din si Lozada sa pagbisita at ‘pangangampanya’ sa kanilang mga kampus.


Idinagdag pa ni Luciano na ipinatatawag umano sa Malacañang ang mga opisyal at administrador ng SUCs, tulad ng University of the Philippines (UP) at Polytechnic University of the Philippines (PUP), hinggil sa bagay na ito. Nire-require pa diumano ang bawat administrador na magdala ng limang miyembro ng kanilang faculty para maparami ang binabalak nilang ‘unity walk’ sa palasyo kung saan ipapakita ang suporta ng mga school officials kay Pa­ngulong Gloria Macapagal-Arroyo.


“Aming napag-alaman na ang mga tauhan ng Malacañang ay makiki­pagkita ngayong araw, alas-10:00 ng umaga, sa mga opisyal at administrators ng mga state colle­ges and universities sa bansa upang magpalabas ng nagkakaisang statement nila para sa pagsuporta kay Mrs. Arroyo,” pambibisto ni Luciano sa plano ng Malacañang nga­yong araw.


Hindi naman ito ikinagulat ng grupo dahil may mga nauna nang pahiwatig ng ‘pagkiling’ sa pamahalaan ang mga administrador ng ilang SUCs gaya ng PUP.


Ang tinutukoy ay ang tangkang pagpigil sa pagbisita ni Lozada sa PUP campus noong Pebrero 28 sa pamamagitan ng itinuturing na ‘pseudo bomb threat’. Hindi nagtagum­pay ang PUP officials dahil puwersahang ibinukas ng mga estudyante ang gate ng paaralan at pinaatras pati na ang tinawag na ‘bomb squad’ para lamang makita si Lozada at mari­nig ang sasabihin nito. Ikinatuwa na rin ni Lozada ang mga pangyayari kahit pa ito ang pinakamaiksing campus tour na kanyang nagawa.


Bilang reaksyon naman sa pagkaka-ban sa mga public elementary at se­condary schools, hindi nito itinago ang pagkadismaya ngunit hindi umano ito makakapi­gil sa kanya sa pagpapaha­yag ng katotohanan saanmang panig ng bansa.


Sa panig ni Sis. Estella Catalone, executive secretary ng Association of Major Religious Superiors of the Philippines (AMRSP) na kasama kahapon ni Lozada sa pagbisita sa UP Manila, magiging katuwang umano sila ni Lozada sa laban ng katotoha­nan at hindi ito mahahadlangan ng alinmang kautusan mula sa palasyo at mga galamay nito.


Isang patunay ay ang inaasahang muling pagdagundong ng suporta kay Lozada sa darating na Marso 9 sa pagbisita nito sa De La Salle University (DLSU) sa Taft Ave., Manila kung saan isa na namang ‘misa para sa katotohanan’ ang idaraos.


Susundan ito ng misa sa Miriam College sa Katipunan Ave., Quezon City sa Marso 16 at sa St. Joseph’s College sa E. Rodriguez Ave., Quezon City sa Marso 23.


Iho-host naman ng Manila Cathedral ang ‘misa para sa katotohanan’ sa Marso 30 sa ganap na alas-10:00 ng umaga samantalang nakahilera na ang mga aktibidad sa iba’t ibang Catholic schools sa buong buwan ng Abril.


Maging sa Laoag City, ilulunsad din ang mga pamisa sa mga simbahan laban sa katiwalian ng administrasyong Arroyo ngayong Biyernes sa hi­ling mismo ni Ilocos Norte Gov. Michael Keon.


“We’re in the thick of preparations to make the March 7 Mass and prayer rally a success,” ani La­oag Bishop Sergio Utleg, na siya ring chairman ng Commission on Indigenous People ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP).


Para naman kay Antipolo Auxiliary Bishop Francisco de Leon, balewala ang kampanya laban sa katiwalian sa gobyerno kung ang Pangulo rin ang aasahang manguna rito.


“The government can lead the campaign if they have enough political will and they have nothing to hide. If they are sincere and honest, the laws will be enough guarantee to win the fight against graft and corrupt practices,” anang obispo na tila pagsalungat sa posisyon ng CBCP na humihiling kay Arroyo na pangunahan ang reporma sa kanyang pamahalaan.

 

 
 
              Search for keyword
 
EXCHANGE RATE

 
Copyright © 2008, Monica Publishing Corporation. All Rights Reserved
designed and developed by:
MIS Section